10 pulis Maynila, inireklamo ng extortion

NASA balag ng alanganin ngayon ang 10 pulis-Maynila at isang tauhan ng Police Security Protection group (PSPG) sa Kampo Crame sa  kasong pangongotong matapos na magreklamo ang isang Canadian citizen sa tanggapan ni Manila Mayor Alfredo Lim.

Partikular na tinukoy ng nagrereklamong si Belinda Placido, 55, balikbayan mula sa Canada at taga Brgy. Sembol, San Felipe,  Zambales ang 10 pulis na pawang mga nakatalaga sa Manila Police District–Station 4 (Sampaloc).

Sa pahayag ni Placido, dinampot siya sa San Felipe, Zambales ng nasabing mga pulis dahil sa umanoy alegasyon na mastermind ito sa pananaksak sa anak ng isang pulis sa Maynila at may warrant of arrest sa kasong frustrated murder.

Dinala umano ang biktima sa Anti-Crime Unit ng MPD Station 4 at dalawang araw siyang pinigil at tinakot na kakasuhan.

Ayon pa kay Placido, pinakawalan lamang siya ng maibigay na sa mga pulis ang halagang P1 milyon na kanilang hinihingi.

Kabilang sa 10 pulis-Maynila na inirereklamo ay sina SPO3 Sanny Nosidal, SPO1 Renato Gregorio,Po3 Mike Pornillos, PO2 Josefino Callera,PO2 Rolando Ladres, PO2 Dennis Tabliso, PO2 Ryan Malacad, PO2 Lawrence Sagum,PO1 Joseph Ustan, PO1 Joy Asayo habang inaalam pa ang pangalan ng isa na miyembro ng PSPG.

Kaugnay nito, pinatawag naman ni Lim ang mga sangkot na pulis na nasa ilalim ng pamumuno ni P/Supt.Rolando Balasabas, hepe ng MPD-Station 4.

Nauna rito, nagsumbong ang biktima kay P/Sr.Insp. Randy Mendoza, hepe ng San Felipe Police Station sa Zambales na siya namang nagreport kay Deputy Provincial Director for Operation P/Supt.Jimmy Tiu .

Mula kay P/Supt Tiu ay nakipagkoordinate naman ito sa Manila Police District headquarters upang matunton ang nasabing mga ‘kotong cops’ at agad na nagreklamo sa tanggapan ni Mayor Lim .

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply