Misis ni Binay, dawit sa anomalya

SABIT ang misis ni Vice President Jejomar Binay na si Dra. Elenita sa umano’y maanomalyang bidding sa supply contract ng lokal na pamahalaan ng Makati noong 2001 na nagkahahalaga ng P72-milyon, ayon sa isang opisyal ng Commission on Audit.

Sa pagdinig ng Sandiganbayan, tumestigo si COA Commissioner Heidi Mendoza na nakakita ng ilang indikasyon ang kanyang audit team ng iregularidad sa ginawang bidding noong 2001 kung saan nakaupong alkalde ng lungsod noon si Gng. Binay.

Sa kanyang testimonya, isiniwalat ni Mendoza na ang dalawang bidders—Office Gallery International Inc. at MFE International—ay mayroong parehong address sa Taguig City. Sa pag-audit umano ng grupo, binisita nila ang opisina ng Gallery International at nabigla sila ng malaman na doon din ang address ng MFE International, pahayag ni Mendoza sa korte na duminig sa graft case laban kina Binay, City Councilor Salvador Pangilinan, dating City administrator Nicanor Santiago, dating city treasurer Ernesto Aspillaga at negosyanteng si Bernadette Aquino.

Ayon kay Mendoza, napag-alaman na si Aquino, ang umano’y kinatawan ng isa sa mga bidder, ang tumanggap sa purchase order para sa Office Gallery International Inc.  Sinubukan ng defense team na tanggalin sa rekord ang bahaging ito sa testimonya ni Mendoza dahil hindi naman daw bahagi ng kaso ang MFE. Ngunit ibinasura ang mosyon at idinahilan ni Prosecution Bureau Director Omar Sagadal na ang bahagi ng naturang testimonya nagpapakita ng “pattern of collusion’.

May pagkakapareho umano ang mga proposal ng tatlong kumpanya na sumali sa bidding ng supply contract nuong 2001.

Sinabi ni Mendoza na pare-pareho ang inaalok na detalye ng mga sumali sa bidding gayung walang mga nakalagay na impormasyon at kung walang mga mahahalagang impormasyon ay dapat hindi na natuloy ang proseso ng bidding.

Minarkahan ni Sagadal na ebidensya ang mga dokumentong may pirma nina Gng. Binay, Aspillaga, Santiago, at Pangilinan.

Dagdag ni Mendoza, inilathala lamang ang naganap na public bidding sa lokal na pahayagang Metro Profile, maliit lamang ang sirkulasyon at hindi naaayon sa patakaran ng COA at sa Local Government Code.

Pahayag pa ni Mendoza, naipalabas ang purchase order sa Office Gallery isang araw matapos ma-terminate ang bidding noong Agosto 16, 2000.

Pinabulaanan naman ng kampo ni Binay ang mga paratang ni Mendoza at inakusahan ang commissioner na nagpapabango lamang ng imahe upang makuha ang pag-apruba ng Commission on Appointments.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply