2 Chinese nationals, tiklo sa 100 gramo ng shabu

DALAWANG umano’y kilabot na international drug traffickers ang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr. ang mga nahuling suspek na sina  Andy Ong, alias Wang Rong Chu, 36 anyos at Asy Lee, 42  anyos , kapwa  Chinese nationals at hinihinalang mga miyembro ng  Chua-Li Drug Trafficking Group.

Nahuli ang dalawang Chinese sa  Isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Intelligence and Investigation Service (IIS), at Mandaluyong City Mayor’s Action Command sa bisinidad ng kilalang coffee shop sa Robinson’s Pioneer Centre, sa  Boni Avenue, Mandaluyong City.

Nakumpiska sa dalawa ang humigit kumulang sa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P600,000.

Napag-alaman na sina Ong at Lee  ay dumating sa bansa bilang mga misyonaryo ng religious group na tinawag na Lian Ho San Tan Temple Inc. pero mula noon ay sinubaybayan  ng PDEA matapos mapag-alaman na sangkot ang dalawa sa illegal drug trafficking activities.

Ayon  kay Gutierrez malawak ang operasyon  ng  Chua-Li Drug Group sa Metropolitan Manila na umaabot hanggang sa  karatig probinsiya  sa Central Luzon at CALABARZON .

Batay sa nakuhang intelligence reports, ang grupo ay nakapag-operate ng dalawang shabu laboratories  na nabuwag ng PDEA may dalawang taon na ang nakalilipas.

Magmula noong 2009, umabot sa kabuuang  17 miyembro ng Chua-Li Drug Group ang naaaresto ng ahensiya kabilang sina Ong at Lee.

Pansamantalang hawak ngayon ng PDEA ang dalawa na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa  Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) in relation to Section 26 (b) (Conspiracy to sell), Article II, ng  Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply