2 minutong pagresponde sa krimen, itinakda ng NCRPO chief

ITINAKDA ni NCRPO chief Leonardo Espina ang dalawang minutong “response time” ng mga pulis sa anumang krimen o insidente na kailangan ang kanilang pwersa.

Ito ang iginiit ng bagong talagang hepe ng NCRPO sa isang pulong sa harap ng lahat ng opisyal at hepe ng kapulisan ng mga lungsod na nasasakupan ng Southern Police District.

Ayon kay Espina, hindi imposible ang kanyang 2 minute response time kung maaga pa lamang ay umiikot na ang mga pulis kaysa nagbababad sa mga presinto at naghihintay lamang ng mga tawag ng responde o reklamo.

Hindi, aniya, na maaaring idahilan ang walang gasolina o kaya’y kulang sa tao ang mga presinto dahil tungkulin umano ng mga pinuno na hati-hatiin ang kanilang mga tauhan at gawan ng paraan ang mga logistical support ng kanilang hanay.

“Isang uri umano ng kapabayaan ng mga namumuno kung pababayaan ang mga pagkukulang na ito at hindi gumawa ng paraan bago pa man sumapit ang pangangailangan,” sabi ni Espina.

Inatasan din ang mga pulis na maging pro-active sa pamamagitan ng agresibong pag tugis sa mga kriminal at maging preventive ang mga operasyon. Mapipigilan umano ang mga krimen bago pa man mangyari kung nasa labas ang mga pulis at nakikita ng mga masasamang elemento ng lipunan.

Ipinahayag ni Espina ang kanyang mga guidelines bunsod ng mabagal na pagtugon ng Muntinlupa Police sa ilalim ng sinibak na hepe nito na si Sr.Supt Ramiro Bausa sa Alabang Town Center Robbery ilang araw pa lamang ang nakalilipas, kung saan isinailalim si Bausa sa imbestigasyon kung bakit hindi ito nakapagresponde ng mas maaga at hindi rin naglagay ng dragnet o hot pursuit sa mga suspek.

Hindi na rin umano maaaring magturuan ang mga pulis kung hindi nila nasasakupan ang isang lugar na pinangyarihan ng isang krimen, ayon kay Espina.

Nagbabala si Espina na sisibakin ang mga pulis na tatangging rumesponde dahil hindi niya ito nasasakupan ng PCP na kinabibilangan.

Tinanong din ni Espina ang mga hepe at opisyal ng buong SPD kung payag sila na sa isang pulis lamang ay masira ang imahen ng 16,000 matitinong pulis, na tinugon ng mga ito ng malakas na hindi.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply