2 pulis na extortionist ng Japanese pinapasibak

PINAPASIBAK sa kanilang sinumpaang tungkulin ang dalawa sa tatlong pulis na nakilala na at unang inireklamo ng pangongotong ng isang Japanese national matapos akusahan ang dayuhan na nakikipagtalik sa loob ng sasakyan noong nakaraang linggo sa Pasay City.

Kaagad na iniutos ni Pasay city police chief Sr. Supt. Melchor Reyes ang pagsibak sa puwesto kina PO2 Marte Rey Quezon at PO1 Edgar Angel, kapwa nakatalaga sa Intelligence Division ng Pasay police matapos makilala ng biktimang si Naohiro Nishizuka, visa consultant sa Japanese Embassy na nangikil sa kanya at kumuha pa ng kanyang Iphone 4 na nagkakahalaga ng P40,000 sa loob ng kanyang sasakyan noong Setyembre 18.

Batay sa pahayag ng biktima kay Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Division ng Pasay police, sinita siya ng tatlong nagpakilalang pulis na sakay ng isang mobile car alas-12 ng hatinggabi sa kahabaan ng Williams St. habang sakay ng kanyang kotse, kasama ang Pinay na kasintahang nakilala lamang sa alyas Jacky.

Inakusahan umano sila ng mga pulis na nagse-sex sa loob ng sasakyan at kaagad na dinala sa tanggapan ng Intelligence section kung saan sila hiningan ng P60,000 bilang areglo hanggang mauwi sa P15,000.

Sinamahan pa umano ng mga pulis ang magkasintahan sa Libertad upang makapag-withdraw ng napagkasunduang halaga bago sila pinalaya.

Sinabi naman ni Sr. Supt. Reyes na pansamantala niyang itinalaga sa Administrative Holding Area ang dalawang pulis habang inaalam pa kung sino ang isa pa nilang kasama na nangotong sa dayuhan.

Sasampahan ang dalawa ng kasong kriminal at administratibo at posibleng masibak bilang pulis sa oras na mapatunayan ang bintang laban sa kanila ng dayuhan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply