23rd Police Memorial Day gugunitain sa Marikina

BILANG pagbibigay-pugay sa mga magigiting na miyembro ng kapulisan na sumakabilang-buhay na, gugunitain ng lokal na pamahalaan ng Marikina, kasama ang Civic Action Team of Marikina Inc., at Philippine National Police (PNP)-Marikina ang ika-23 Police Memorial Day sa ika-9 ng Setyembre, Linggo sa ganap na ika- 7 ng umaga sa Loyola Police Monument, Loyola Memorial Park, lungsod ng Marikina.

Layunin ng okasyon ang bigyang pagkilala ang mga miyembro ng PNP-Marikina na pumanaw habang tumutugon sa tawag ng kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan at maging ang mga pumanaw sa natural na kadahilanan.

“Tayo ay nakikiisa sa ating kapulisan  sa paglilingkod sa ating bayan. Ang pag-aalalang ito ay ginagawa upang ating isaisip ang paglilingkod nang tapat at may kagitingan para sa ating kapwa at sa bayan,” wika ni De Guzman.

Inaasahan ang pagdalo ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino bilang panauhing pandangal, ganoon din ang mga opisyal ng lungsod, at mga kapamilya at kamag-anak ng mga namayapang pulis.

Bahagi ng paggunita ang pag-aalay ng isang misa, pagbabasbas at pag-aalay ng mga bulaklak sa mga puntod ng mga namayapang pulis, at Taps and Volley.

Iniimbitahan ni Marikina Mayor Del De Guzman ang mga mamamayan upang makiisa sa okasyon at gunitain ang kabayanihan ng mga ito.

“Ating dakilain ang mga magigiting na alagad ng batas na kaagapay ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan. Bilang isang lingkod bayan, hinihimok natin ang lahat na makiisa sa kapulisan sa pagsugpo sa krimen,” dagdag pa ni De Guzman.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply