4,200 aklat, ipinamahagi sa Calapan, Mindoro

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Set 3 (PIA) — Ipinamahagi ng pamahalaang lungsod ng Calapan ang 4,200 aklat para sa mga mag-aaral ng iba’t-ibang pampublikong paaralan sa lungsod upang higit silang magabayan sa kanilang pag-aaral.

Ang pamamahagi ay pinangunahan ni City Education Officer Marilyn E. Manigbas na ginanap sa M. Adriatico Memorial School.

Sa hangaring mapatatag ang basic education na pundasyon ng bawat mag-aaral sa pagtungtong nila sa mas mataas na lebel ng edukasyon, naglaan ng P2 milyon ang pamahalaang lungsod upang makapamigay ng mga naturang aklat.

Sa pangangasiwa ni Calapan City Schools Division Superintendent Araceli Rada-Salmorin, tinanggap ng mga principal at school head ng tatlong distrito ng paaralang pang-elementarya sa lungsod na sina East District Supervisor Isagani Abraham, Nick Alcanices ng West District, at James Zamora ng South District, ang mga aklat sa asignaturang Math, English, Science, Filipino at Edukasyon sa Pagpapahalaga (EPP).

Kaalinsabay nito ang pagbisita ng mga delegado mula sa Ayala Foundation Inc. (AFI)-Luzon Chapter para sa programang Text-to-Teach.

Dumalo si AFI Manager Mariz Catangay at Pete Rabago upang ibahagi kay Mayor Doy C. Leachon ang proposal ng pagsasagawa ng nabanggit na proyekto sa lungsod na makakatulong din sa edukasyon ng mga kabataan sa Calapan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply