5 petisyon vs libelo

HABANG tinitipa natin ito, Suki, may lima nang petisyon mula sa iba’t ibang tao at grupo sa Supreme Court para kuwestiyunin ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Lalo na ang nilalaman ng batas na ito na nagtatadhana ng libelo bilang isang mabigat na krimen at nagbibigay ng kapangyarihan sa Department of Justice na kumontrol, magsara at mag-block sa iyo na makaalam ng isang computer data o impormasyon.

Mabigat ang parusa sa libelo dahil katumbas ito ng parusa ng homicide o nakapatay ng tao.

oOo

Isa sa mga nagpetisyon ang isang senador, si TJ Guingona, laban sa libelo sa anti-cybercrime law na ‘yan.

Matapos siyang mag-file, nagpahayag na rin sina Sen. Chiz Escudero at Peter Allan Cayetano na kanilang ilalakad sa madaling panahon ang pag-aalis ng kriminal na mukha ng libelo.

Pupuwede ring alisin na lamang nang tuluyan ang libelo bilang krimen sa ilalim ng nasabing batas.

Maaaring multa o danyos na lamang din ang hahabulin ng mga nagsasampa ng libelo sa mga umano’y naninira sa kanila sa pamamagitan ng internet.

‘Yan ay kung hindi maalis ang libelo sa nasabing batas.

oOo

Walang nakaaalam kung ano ang magiging aksyon ng Hukuman sa mga petisyon, kung ibabasura ang mga ito o tanggapin nang may merito o halaga.

Maalala nating minsan nang gumawa ang Hukuman ng isang desisyon noon sa isang kaso at sinabing antayin na lang na magkaroon ng tunay na kaso bago ito gumawa ng desisyon.

Mining tu sey, Suki, mag-aantay ang Hukuman na may ipakulong ng mga korap bago ito gumawa ng tamang desisyon.

Derpor, higit na maganda kung agapan ng Hukuman ang batas na ito na sa paniniwala ng marami ay marahas at hindi tumutugma sa karapatan ng tao na magsalita at maglabas ng kanyang saloobin.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply