7 Korean nationals, tiklo sa illegal online gambling

PITONG Korean nationals ang ikinulong ngayon ng Bureau of Immigration (BI) nang maaresto dahil sa pagpapatakbo ng illegal online gambling sa Makati City .

Ayon kay BI Commissioner Ricardo David Jr. ipinag-utos nito ang pagpapakulong sa pitong Korean nationals sa immigration jail sa Bicutan, Taguig upang hindi makaiwas sa isinasagawang pagdinig sa kanilang kaso.

Kinilala ang mga dayuhan na sina Jae Hoon Hwang, Yomg Yeom Kim, Sung Hoon Youn, Hyeok Choi, Yong Beom Cho, Jin Dong Kim at Jun Min Hyeok.

Sinabi pa ni David na maliban sa kaso ay sasailalim din sa deportation proceedings ang mga suspek dahil sa pagiging undesirable aliens at paglabag sa mga pinaiiral na panuntunan sa kanilang pananatili sa bansa bilang mga turista.

Ayon pa sa komisyuner, hiwalay ang kasong paglabag sa anti-illegal gambling law o PD 1602 na isinampa ng National Bureau of Investigation laban sa mga naturang suspek.

Giit pa ng opisyal na patatalsikin lamang ang mga Korean nationals sa sandaling ibasura ng hukuman ang kanilang mga kasong criminal o sa sandaling mapagdusahan na nila ang kanilang parusa.

Batay sa record, ang mga suspek ay inilipat sa kostudiya ng imigrasyon noong September 3, 2012, apat na araw matapos na sila ay madakip ng NBI habang nagpapatakbo ng online casino sa AIC Tower, Ortigas Center, Pasig City.

Sa pagsisiyasat naman ng NBI ay napatunayang walang permiso mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation ang online casino ng mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang computer units, monitors, CPU’s, modems, keyboard, laptop, hard disks, IPADs, routers, WIFI, telephones, cables at iba pa.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply