Abangan si Atty. Leny Robredo

SAKSI tayo sa bumuhos na pagdadalamhati ng sambayanang Filipino sa pagkamatay ni Sec. Jesse Robredo. May mga nagulat din, lalo na ang kalaban niya sa pulitika, kung bakit ganoon na lang ang pinakitang pagmamahal sa kanya, ‘di lang ng mga taga-Naga City kundi ng buong bayan. Bihira ang ganitong pangyayari. Nahahanay na si Sec. Jesse sa mga tulad nina Ninoy at Cory Aquino na itinuturing na bagong bayani.

Mabait at maraming nagawa kasi si Sec. Jesse kaya ganoon. O naawa rin ang tao dahil sa malagim na pagkamatay niya na ikinagulat ng lahat. Pero sa akin, “phenomenal” yan at nangyayari yan sa kasaysayan ng may mas malawak at malaking impact sa buhay nating mga Filipino.

Noong napatay si Ninoy Aquino ay nakita at minahal ng tao ang kanyang maybahay na si Cory Aquino. Sino ba si Pres. Cory noong buhay pa ang sikat niyang asawa na si Ninoy?

Pero ang pagkamatay ni Ninoy ay naging mitsa upang maging lider ng Edsa Revolution at Pangulo si Pres. Cory Aquino.

Si PNoy. Sino ang mag-aakala na ang tahimik na senador ang magiging Pangulo? Noong buhay pa si Ma’m Cory, wala ni isang tao ang nagsasabi na si Noynoy ay puwedeng maging Presidente. Baka si Kris Aquino pa pero si Noynoy? Wala. Ngunit tadhana ang naghatid kay PNoy. Sa pagkamatay ng kanyang ina, nakita siya and the rest is history, ‘ika nga.

Ngayon, marami ang nag-uudyok na tumakbo sa pulitika ang biyuda ni Sec. Jesse na si Atty. Leni Robredo. Sigurado ang panalo niya! Pero may nagsasabi na huwag naman gamitin sa pulitika ang pagdadalamhati ng tao sa pagkawala ni Sec. Jesse. Porke ba namatay ang asawa at malapit na ang halalan, eh, sasamantalahin na kaagad para sa pulitika.

Ngayon nga lang, marami nang politiko ang sumasakay sa pagkawala ni Sec. Jesse. Akala mo talagang nakikiramay, nangangampanya lang naman. Sana ang ganitong uri na lang ng politiiko ang sumasakay sa mga magka-crash na eroplano.

Pero Atty., pwede si Ma’m Leni! Maganda, matalino, abogado at isang ROBREDO! Bakit naman natin pipigilan siya kung tawag ito ng kasaysayan na pumasok siya sa pulitika? Sa kabilang banda naman, mga boss, sa tingin niyo ba gusto ni Atty. Leni ang pumasok sa maruming laro ng pulitika? Eh kung gusto niya, ‘di sana noong natapos na ang termino ni Sec. Jesse bilang Mayor ng Naga City, eh, si Atty. Leni ang humalili sa kanya?

Uso naman ‘yun sa mga swapang sa kapangyarihan ‘di ba? Papapasukin sa pulitika ang lahat ng kamag-anak pati na rin ang alagang aso at pusa. Sa tingin ko ay isang magandang katangian din ni Sec. Jesse ito. Hindi niya hinikayat na pumasok sa pulitika ang kanyang matalino at magandang ginang ng tahanan.

Sa ngayon ay tahasang sinabi ni Atty. Leni Robredo na wala ni isa sa pamilya ang nais pumasok sa pulitika. Hanggang kailan, hindi natin alam. Pero may kasabihan na EVENTS MAKE MEN AND WOMEN! May mahalagang papel nga kaya si Atty. Leni na dapat gampanan?

Ang tingin ko ay ganito. Ang pagkamatay ng isang tao ay hindi nangangahulugan na kailangang ihalili ang naiwan na mahal sa buhay at isabak sa larangan ng pulitika. ‘Yan ay TAHASANG PAGSASAMANTALA SA PAGDADALAMHATI AT DAMDAMIN NG TAO.

Pero kapag ang tao na mismo ang nagsasabi, tulad ng kay Cory at Noynoy. Iba na yan dahil may “PEOPLE’S CLAMOR” na. And the voice of the people is the voice of God. Noong sinabak si Ma’m Cory, may LEGITIMATE AND URGENT CAUSE. At iyan ay ang ibagsak ang diktadura at ibalik ang demokrasya. Noong kumandidato si Noynoy, ang CAUSE ay ang wakasan ang isang corrupt na sistema ng pamumuno at ituwid ang landas ng

pamamahala.

Ngayon ay may isang “Jesse Robredo phenomena” Bakit kaya? Kasaysayan lang ang makasasagot niyan. May haharapin ba na pagsubok ang bayan? At ano ang magiging papel ni Atty. Leni?

Sa ngayon, hayaan muna natin na mag-isa ang pamilya ni Sec. Jesse. Pero patuloy na samahan natin sila sa dasal at alaala ng isang makataong JESSE ROBREDO!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply