Accredited partylist groups, isasabak pa sa automatic review ng Comelec

WALA pang party-list groups na binibigyan ng pinal na akreditasyon ang Commission on Elections (Comelec) upang makalahok sa midterm elections sa May 13, 2013.

Ito ang nilinaw kahapon ni Comelec Spokesperson James Jimenez kasunod ng ulat na may ilang party-list groups ang nag-aanunsiyo na accredited na sila ng poll body.

Ayon kay Jimenez, posibleng ang tinutukoy ng mga naturang grupo ay ang pag-accredit sa kanila ng Comelec Divisions.

Ipinaliwanag naman ni Jimenez na bagamat nagpalabas na ang Comelec divisions ng desisyon hinggil sa akreditasyon ng mga naturang grupo ay sasailalim pa rin aniya ang mga ito sa automatic review ng Comelec en banc.

Sinabi ni Jimenez na sa en banc session ay maaari pa ring mabaligtad ang desisyon ng Comelec division.

“It is an automatic review.  The accreditation could be reversed. Hindi pa kasi ‘yun final,” paliwanag pa ni Jimenez.

Nilinaw naman ni Jimenez na walang nilabag na Comelec rules sa premature campaigning ang mga naturang party-list groups dahil ang anunsiyo ng mga ito na accredited na sila ay press release ng mga ito.

Sinasabi lamang umano ng mga ito ang nangyayari sa kanila na maituturing namang ‘newsworthy.’

Nauna rito, inianunsiyo ng transport group na Piston Land Transport Coalition at political party na Centrist Democratic Party of the Philippines, na nabigyan na sila ng akreditasyon ng poll body.

Ang dalawa ay nabatid na accredited na ng Comelec Second Division na pinamumunuan nina Commissioners Lucenito Tagle at Elias Yusoph, ngunit ang naturang desisyon ay rerepasuhin pa ng Comelec en banc.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply