Administratibong parusa sa mga pulis, repasuhin

HINIKAYAT ni Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang pamunuan ng Philippine National Police na repasuhin ang mga administratibong parusa laban sa mga pulis na umaabuso sa kanilang kapangyarihan kung epektibo ba ito sa pagsupil sa maling gawain ng ilang miyembro ng kapulisan.

“Kapansin-pansin ang tumataas ang bilang ng mga pulis na umaabuso sa kapangyarihan at nangongotong. Ang mga pulis ang dapat na magproteksiyon sa mga taumbayan pero baligtad ang nangyayari, mukhang hindi sila natatakot sa anumang kasong kanilang kakaharapin kaya’t baka masyado itong mababa para katakutan,” sabi ni Magsaysay.

Ani Cong. Magsaysay, dapat ay pag aralan ng liderato ng PNP  kung epektibo pa ba ang mga parusa at penalty na nakasaad sa kanilang mga polisya upang masugpo ang ganitong pag-uugali ng ilang masamang damo sa serbisyo dahil ito ay lumilikha ng negatibong imahe para sa kapulisan.

“Marami tayong pulis na bayani. Sa panahon ng kalamidad lalo na noong Habagat, napakaraming unipormadong miyembro ng kapulisan ang walang pagod na tumutulong sa evacuation at rescue ng ating mga kababayang nasalanta. Pero ang lahat ng kabutihang kanilang nagagawa ay nababalewala dahil sa ginagawa ng ilan nilang kabaro sa serbisyo.”

Ani mambabatas, dapat ay mas pabigatin ang kaparusahan sa mga miyembro ng kapulisan na mapapatunyang umabuso ng kanilang kapangyarihan at nambiktima ng sibilyan dahil ang kanilang ginagawa ay taliwas sa kanilang tungkulin na panatilihin ang kapayapaan sa bansa.

“Dapat pulis ang nagpoprotekta sa taumbayan sa mga elementong kriminal ngunit ang nangyayari ay natatakot ang mga tao maging sa pulis dahil sa kabulastugan na ginagawa ng iilan. Sana ay iproseso agad ang mga kaso ng mga ito at sibakin sila sa tungkulin upang maipakita ng liderato na hindi kinukunsinti ng hanay ng kapulisan ang ganitong asal ng iilan. Kailangang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis,” ayon kay Magsaysay.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply