Akusasyon ng ALAM, sasagutin ng Comelec

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na sasagutin nila sa tamang forum ang mga akusasyon ng Alab ng Mamamahayag (ALAM) party-list na tinangka silang kikilan ng ilang opisyal ng poll body upang mabigyan lamang ng akreditasyon ang kanilang grupo para makalahok sa May 2013 midterm polls.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, batid nilang ‘vulnerable’ sa mga kaso ang mga opisyal ng poll body at handa naman umano nila itong sagutin ang mga ito.

Sinabi ni Jimenez na nagpapasalamat din sila na sumunod ang grupo sa due process at naghain ng reklamo sa Comelec, sa halip na dalhin sa kalsada ang kanilang laban.

Sa kabila naman nito, iginiit ni Jimenez na hindi muna dapat na husgahan ang mga opisyal ng Comelec at pakinggan muna ang paliwanag ng mga ito.

Matatandaang inakusahan ng ALAM ang dalawang opisyal ng Comelec ng umano’y tangkang pangingikil sa kanila ng P3 milyon para mabigyan sila ng akreditasyon.

Sa inihaing motion for reconsideration ng grupo sa Comelec, sinabi ni Jerry Yap na noong Hunyo 20 ay may isang nagpakilalang Jay-Ar na diumano’y empleyado ng Comelec ang lumapit sa kanila.

Humihingi umano ito ng P1 milyon para umano kay Comelec Commissioner Lucenito Tagle at P1 milyon para kay Commissioner Elias Yusoph, habang ang P1 milyon pa ay ‘for the boys’ naman umano.

Nabatid na sina Tagle at Yusoph ang namumuno sa Second Division ng Comelec, na siyang nagbasura sa accreditation petition ng ALAM noong Setyembre 12.

Tinanggihan naman umano ng grupo ang demand sa kanila ni Jay-Ar.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply