Ama ni Salva umalma sa UAAP board

UMAPELA si Amado Salva, ama ni Ateneo Blue Eagle forward Nico Salva sa inilabas ng UAAP board na desisyon na hindi na siya pinapayagang umupo sa patron section para manood ng laro sa nagaganap na 75th season ng UAAP men’s basketball tournament.

Iginiit ni Salva na hindi man lang siya tinanong kung ano ang nangyari bago nagpalabas ang UAAP board of trustees ng desisyon hinggil sa pangyayaring sagutan nila ni Far Easter U assistant coach Ronald Magtulis sa Philsports arena kung saan ay may magkahiwalay na laban ang kanilang koponan.

Nagkaroon ng insidenteng palitan ng maaanghang na salita sina Amado at Magtulis noong Huwebes, (Setyembre 13) ng komprontahin ng una ang huli upang tanungin kung bakit niya hinahamon ng suntukan ang kanyang anak na si Nico.

Nagkaroon ng sigawan na pumukaw sa mata ng mga manonood kaya dali-dali silang inawat at inalayo.

Dahil sa pangyayari ay nasuspinde ng isang laro si Magtulis habang ang ama ni Nico ay banned sa patron seat.

Ayon kay Amado natural na reaksyon ng isang ama ang ginawa niyang komprontasyon kay Magtulis lalo na’t hinahamon ng isang 37 anyos ang 22 anyos na anak sa labas ng playing court.

Sinabi pa ng matandang Salva na nalamatan ang kanyang pangalan matapos lumabas sa daily newspapers ang kahiya-hiyang penalty.

Samantala, umaasa si Amado Salva na mababago ang desisyon ng UAAP board para malinis na rin ang pangalan nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply