Angry fish, patimpalak ng BFAR para sa kabataan

NAGNGANGALIT NA ISDA (Angry Fish)” – iyan ang titulo ng patimpalak sa pagsulat ng sanaysay na inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kamakailan.

Layunin ng patimpalak na ito na pausbungin at pag-ibayuhin sa mga isipan ng kabataan ang kahalagahan ng pangangalaga sa ating mga isda at yamang-tubig lalo na yaong nanganganib nang maubos.

Hango sa isang sikat na online game, pinili ang titulong “Angry Fish”upang magkaroon ng higit na hatak sa mga kabataan ang patimpalak.

“Ninanais namin na bumuo ng sektor ng mga kabataan na makikibahagi sa responsibilidad tungo sa pangangalaga ng ating mga yamang-tubig,” ayon pa kay Atty. Asis G. Perez, Direktor ng Kawanihan.

Ang patimpalak ay bukas sa lahat ng mga naka-enrol na estudyante ng high school mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

Ang sanaysay ay maaaring nakasulat sa wikang Ingles o Filipino na nakasentro sa temang, “Heeding the Call for the Conservation and Protection of the Endangered and Threatened Species.” Magkakamit ng P10 000, P8 000 at P5 000 ang first, second at third placers sa patimpalak na ito.

Kaalinsabay ng patimpalak sa pagsulat ng sanaysay ay ang painting/drawing contest hinggil sa mga  nanganganib nang uri ng isda at iba pang yamang-dagat na nakalista sa “Red List.”

Ang “Red List” ay talaan ng lahat ng mga nanganganib at pinangangambahan nang maubos na mga isda at iba pang yamang-dagat alinsunod sa CITES o Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora.

Ilan sa mga yamang-dagat na ito ay ang mga giant clam o mas kilala sa tawag na Taklobo, Napoleon Wrasse o Mameng at mangilan-ngilang uri ng pating at corals.

Ang patimpalak na ito ay bukas sa lahat ng mga naka-enrol na estudyante ng kolehiyo mula pa rin sa iba’t ibang panig ng bansa. Maaari silang pumili ng isa sa mga yamang-dagat na nakalista sa “Red List” na kanilang magiging subject o paksa.

Ang premyo para sa patimpalak na ito ay P20 000, P15 000 at P10 000 para sa first, second and third placers.

Ang mga interesadong mag-aaral ay hinihimok na magsumite ng kanilang lahok hanggang Setyembre 15 sa pinakamalapit na opisina ng BFAR sa mga rehiyon o kaya naman ay sa BFAR, PCA Bldg. Elliptical Road, Diliman, Quezon City. Ang mga magwawagi ay pararangalan sa pagdiriwang ng ika-49 na Fish Conservation Week sa Oktubre 15, 2012 sa National Office ng BFAR sa Quezon City.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply