Anti-Cyber Crime Law, makasusugpo vs karahasan, krimen

NANINIWALA ang isang Catholic archbishop na ang nilagdaang batas ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III na Anti-Cyber Crime Law ay makatutulong upang labanan ang karahasan, pornograpiya at krimen sa social networking sites.

Kumpiyansa si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na ang naturang batas ay hindi pipigil o sisikil sa kalayaan sa paghahayag ng mga ideya at opinion sa internet at sa halip ay magsisilbing bantay at awtoridad lamang sa internet.

Ipinaliwanag ng arsobispo na dahil sa modernong teknolohiya ay laganap na rin ang modernong paraan ng krimen sa pamamagitan ng paggamit ng social networking site na dapat masugpo ng gobyerno.

“Ang Cybercrime ay talaga namang crime, gumagamit lang ng modern techniques. Kung talagang criminal activities ay hindi dapat, hindi yan maka-curtail of freedom. Dapat gamitin for good ang internet,” pahayag pa ni Arguelles, sa panayam sa radyo.

Tiwala rin si Arguelles na malaki ang maitutulong ng naturang batas at pinaalalahanan ang mga gumagamit ng internet na maging responsable.

“Ang cyber crime law ay guard sa evil effects ng internet,” aniya pa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply