Anti-Cybercrime Law bigyan ng pagkakataon

NANAWAGAN ang isang obispo ng Simbahang Katoliko sa publiko na bigyan ng pagkakataon ang Cyber Crime Prevention Act of 2012 (Republic Act 10175) o mas kilala sa tawag na Anti-Cybercrime Law.

Ito’y matapos na umani ng batikos ang naturang bagong batas mula sa iba’t ibang sektor dahil sa umano’y paglilimita nito sa malayang pamamahayag.

Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, ang ‘right to access information’ at malayang pamamahayag, ay hindi ‘absolute.’

Ipinaliwanag ng obispo na ang lahat ng karapatan at kalayaan ay may kaakibat na tungkulin at responsibilidad.

“Let’s give it a chance. After all, freedom has its consequent duty and responsibility,” ayon pa kay Baylon, na siyang chairman ng Episcopal Commission on Youth (ECY) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Sa kabila nito, inamin naman ni Baylon na mahirap na limitahan ang karapatan sa impormasyon at malayang pamamahayag nang hindi tinu-tolerate ang mga taong umaabuso sa media at internet upang sirain ang kredibilidad at imahe ng isang tao.

“Both pros and cons have point. But above all else, we should also recognize that it is also a human right to be protected from people who use the internet to advance their malicious intention,” aniya pa.

Naniniwala naman si Baylon na hindi lamang ang mga celebrity, mga pulitiko at mga prominenteng personalidad ang mapuprotektahan mula sa kanilang mga detractor kundi maging mga ordinaryong mamamayan na target ng mga demolition jobs sa pamamagitan ng cyber bullying, online libel, at iba pa, dahil sa bagong batas.

Hinimok rin naman ng obispo ang pamahalaan na tiyaking ang implementing rules and regulations (IRR) ng bagong batas ay malinaw partikular na ang mga bahagi nito na tinututulan ng mga journalist, bloggers, social media users at netizens.

“The challenge now is to implement the spirit of the law and not the letter so that ultimately, the Cyber Crime Prevention Act of 2012 will not be an avenue to violate civil liberties,” aniya. “The IRR should clearly set the limits of the human right and freedom: where freedom ends and where responsibility starts. The IRR should make sure that the new law will be just and humane.”

Pinaalalahanan pa ng obispo ang mga netizen na mag-isip muna bago magpaskil ng kung anu-ano sa internet.

Ang Republic Act 10175 ay nakatakdang ipatupad sa Oktubre habang ang IRR nito ay ilalabas naman 90-araw mula Setyembre 12, kung kailan ito nilagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas. Kyle Gatus

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply