Antipatikong opisyal ng CPD minaliit ang mga tabloid

KAYA naman pala close-open ang peryahan diyan sa may Brgy. Retiro sa may La Loma, Quezon City ay, dahil bukod pala sa untouchable ang operator nito, binibigyan pa ng “proteksiyon”  ng mismong Station Commander ng La Loma Police Station 1 ng Quezon City Police District.

Noong nakalipas na linggo ay laman ng ating column na Lily’s Files ang peryahan diyan sa La Loma ngunit hindi natinag ang peryante na si Emily dahil bago umano ito naitayo ay na-itimbre na niya sa Barangay, sa Pulis  at maging sa Quezon City Hall.

At dahil sa rami ng mga residenteng nagreklamo at tumawag sa inyong lingkod ay tinawagan ko ang himpilan ng La Loma Police Station 1 ng QCPD  na pinamumunuan nitong si Supt. Froilan Uy, ngunit hindi ito inaksyunan kung kaya ipinaalam ko ito sa  tanggapan ni QCPD Director Mario Dela Vega, kung saan ay agad namang pina-raid ang nasabing peryahan.

Dalawang araw na  sarado ang nasabing peryahan at sa katunayan umano ay naghakot na itong si Emily kung kaya nagulat na lang ang mga residente nang sa pangatlong araw ay makita nilang bukas ang peryahang ito at napakaraming tao.

Lilinawin ko lang po na hindi ako tutol sa peryahan kung talagang peryahan lang. Kaso, ang peryahang ito ay wala naman talagang perya kundi puro sugal lang ang nandito kung kaya nagrereklamo ang mga residente dahil nalululong daw ang kanilang mga anak sa sugal na color game.

Anong masasabi niyo rito QCPD Director, Mario Dela Vega at ano kaya ang gagawing aksyon dito ng ating magiting na bagong NCRPO Diretor na si C/Supt. Leandro Espina.

Sa impormasyong nakarating sa Lily’s Files, kaya umano lumakas ang loob ng operator nitong si Emily na magbukas muli ng kanyang peryahan dahil sa binitiwang salita ni Col. Froilan Uy, na huwag  intindihin ang mga banat sa kanya dahil “TABLOID”  lang naman ang bumanat at hindi class na diyaryo.

Ang sinabi ni Uy ay nakarating sa mga taga-media dahil mismong itong si Emily rin umano ang nagsabi sa mga taga-media na huwag intindihin ang mga banat sa “TABLOID.”

Col. Uy, gusto ko lang pong sabihin sa inyo na walang malaking nakapupuwing, maliit man  ang sinasabi mong “tabloid” pero kayang-kaya kang bigyan ng problema ng sinasabi mong mga  cheap na diyaryo.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply