Arroyo kay Sen. Osmeña: P 111-B anomalya, patunayan

HINAMON ng kampo ng pamilya Arroyo si Senator Serge Osmeña na patunayan sa korte ang alegasyon hinggil sa sinasabing pinakamalaking anomalya sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na umaabot ng P111 bilyon.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, kung may matibay na ebidensya si Osmeña maghain ito ng reklamo sa korte para patunayan ang kanyang akusasyon.

Buwelta naman ng tagapagsalita ng dating Pangulo na si Elena Bautista-Horn na dumaan sa proseso ang lahat ng kontrata at maaring busisiin ang mga papeles ng programa sa mga humahawak na ahensya para malinawan sa isyu.

Una na itong tinawag ni Osmeña na “Bridges to Nowhere” o mga tulay na walang patutunguhan – dahil hindi napakinabangan dahil nasa gitna ng palayan o malalayong barangay na kakaunti ang populasyon.

Ibinunyag pa ng Senador na inutang ng gobyerno ng dating Pangulo ang mahigit P111 bilyon para matustusan ang mga tulay sa Mindanao at Visayas – mula 2000 hanggang 2008 kakuntsaba ang ilang malalapit sa kanyang Gabinete.

Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, sinabi ni Osmena na nakapagdududang gumastos ang pamahalaan ni Arroyo ng halagang P111 bilyon para lamang sa 14 na tulay na inutang mula sa Official Development Assistance (ODA) concessional financing mula sa Britanya at France.

“The NBN-ZTE telecom and North Rail contracts pale in comparison with the GMA bridge contracts. The ZTE contract amounted to P13.7 billion and the North Rail contract amounted to P21 billion. These P111 billion serial scams are 8 times the ZTE contract and 5 times the North Rail contract,” ayon kay Osmena.

Inatasan naman ng Senado ang Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan ang naturang anomalya upang matukoy kung sino ang may sala at mairekomendang masampahan ng kasong paglulustay ng salapi ng bayan.

Ayon kay Osmeña, limang opisyal ng ilang ahensiya ng pamahalaan ang nagsagawa ng itinuturing na “highly complex scheme” na siyang nagtulak upang lumobo ang presyo ng tulay na lampas sa pangkaraniwang halaga sa merkado.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply