Asensado na raw ang Pinas, wheee…’di nga?

NAKUHA ang atensyon ko ng isang litrato sa front page ng isang national daily kamakailan, nakita ko kasi ang isang grupo ng mga economic manager daw ng bansa na pawang mga nakangiti at magkakahawak-kamay pa.

Kaya pala nakangiti ang mga economic manager na ito ay dahil kakatapos lang nilang dumalo sa Philippine Economic Briefing sa PICC at base sa miting nila ay hinuhulaan nila na uunlad ng may anim na porsiyento ang ekonomiya ng bansa sa taong ito.

Ang pangunahing nagbabandera ng “magandang balitang” iyon ay si socio- economic planning secretary at NEDA director-general Arsenio Balisacan at siyempre kasama rin niya sina Finance Secretary Cesar Purisima at Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Amando Tetangco Jr.

Silang tatlo at iba pang mga nagpapatakbo daw ng ekonomiya natin ang siya ring magkakasama sa litrato na para bang ipinakikita nila na super asensado na ang Pinas at masarap na ang buhay ng mga Pinoy.

“The Philippine GDP is expected to grow by five to six percent this year, most likely in the upper range of the target, with the healthy macroeconomic fundamentals and higher business optimism,” sabi ni Balisacan sa wikang Ingles.

Nag-Ingles pa kasi ang Balicasan na iyon kaya tuloy hindi maintindihan ng mga ordinaryong Pinoy ang sinasabi niya.

Hindi naman sa pagyayabang, sa tingin ko ay kaya ko namang intindihin ang sinasabi ni Balicasan, pero bakit pa ako mag-papakapagod na gawin iyon?

Kahit ano pa kasi ang sabihin ng mga economic managers na iyan at puro mga rosy economic prediction (naks Ingles iyon) ang ibigay nila ay wala namang pakialam ang mga mahihirap nating kababayan diyan.

Ang naiintindihan lang nila ay may trabaho ba silang ma-papasukan, may maayos bang bahay silang nauuwian at natutulugan?

Nabibilihan ba nila ng pagkain tatlong beses isang araw ang pamilya nila at napag-aaral ba nila ng may baon at gamit sa eskuwela ang mga anak nila?

Nakalalabas ba sila sa bahay nang ligtas at ‘di natatakot na baka maholdap at maging biktima ng karahasan ng kapwa nila ?

Kung oo ang sagot nina Purisima at mga kasamahan niya sa mga tanong na iyan ay maniniwala ako na talaga ngang umunlad na at lumalago na ang ating ekonomiya.

Ibig sabihin kasi niyan ay ang sagot sa mga tanong na iyan ang pinaka-accurate na sagot na puwedeng makuha at paniwalaan ng mga kababayan natin.

Hindi mo na kailangan pang maging economic expert gaya nina Purisima para lang malaman kung ano ang totoong nang-yayari sa bansa.

Pero sa malas, ay puro hindi ang sagot sa mga tanong na iyan kaya ibig sabihin gaya ng dati ay puro papogi lang ulit ang mga opisyal ng pamahalaan.

Maunlad na raw ang Pinas, whee …hindi nga?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply