Badyet ng PDEA, ibabasura sa Senado

MAHIHIRAPAN si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Jose Gutierrez na makuha ang hinihinging badyet  para sa 2013 matapos madismaya si Sen. Franklin Drilon sa performance ng ahensiya.

Sa panayam nitong Linggo sa radyo, sinabi ni Drilon na hindi pa aprubado ang badyet ng PDEA dahil walang maibigay na paliwanag si Gutierrez sa nakukumpiskang droga tulad ng shabu na umaabot sa mahigit isang libong kilo na nakatago sa ahensiya.

“Absolutely, wala akong nakikitang maayos na pagpapatakbo ng PDEA. Hindi ko pa ina-approve ang budget ng PDEA dahil hindi ako natutuwa sa kanilang mga paliwanag sa akin,” ayon kay Drilon.

Aniya, kapag may drug raid sa isang den, maraming nakukuhang sahbu, kaya alinsunod sa batas, kailangan itong sunugin sa harap ng kinatawan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Justice, korte, suspek at iba pa matapos makakuha ng sample na ihaharap bilang ebidensiya.

“Kapag may drug raid sa isang den, maraming nakukuhang shabu. Sa batas, matapos makumpiska ito at masampahan ng kaso, ang PDEA, prosecutor ay dapat humingi ng pahintulot sa Husgado, sa presensya ng Husgado, ng nasampahan ng kaso at prosecutor, “ ayon kay Drilon.

“Dapat kumuha lamang nga sample at ise-certify na ito ay sample mula sa nakumpiska at ang iba ay huhulihin. Every time na mag-prosecute kami ng drug cases, kapag tinanong mo yung may hawak ng shabu, ang sasabihin, “Sir kinain ng daga.” Na-re-recycle,” himutok ng senador.

Sinabi niya nang humarap si Gutierrez sa pagdinig hinggil sa badyet ng PDEA, wala itong maisagot kung ano ang ginawa ng ahensiya sa nakumpiskang droga tulad ng shabu na hinihinalang naibalik sa lansangan kaya hindi nasasawata ang paglaganap ng krimen na may kaugnayan sa illegal drugs.

“Noong tinanong ko si PDEA Director Gutierez kung ilan ang hawak nila, hindi niya masagot at maipaliwanag. Maliwanag sa aking pagsusuri na hindi niya nagawa ang kanyang trabaho,” ayon kay Drilon.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply