Bagong makinang pansakahan, ibinida ng DA

NAGSAGAWA ng aktwal na demonstrasyon ang Department of Agriculture tungkol sa rice combine thresher, ang isa sa mga pinakabagong makinang pansakahan na bahagi ng programa nitong farm mechanization.

Isinagawa ang field demo sa Brgy Rizal sa bayan ng Banga, South Cotabato na sinaksihan ni DA Assistant Secretary Dante Delima, DA 12 Regional Executive Director Amalia Jayag-Datukan, Mayor Henry Ladot at iba pang mga opisyal ng karatig munisipyo ng lalawigan.

Ang nasabing makina na nagkakahalaga ng siyam na milyong piso (P9 million pesos) ay maaring mag-ani ng walong ektarya sa isang araw lamang at nangangailangan lamang ng dalawa hanggang tatlong katao upang mapatakbo ito.

Ayon kay Direktor Datukan, ang field demo ay nagbigay daan upang aktwal na makita ng mga magsasaka ang kakayahan ng harvester at mahikayat ang mga ito na subukan ang makabagong teknolohiya sa pag-aani ng palay.

“Gamit ang makinang ito, mas napapabilis ang pag-aani ng palay at hindi nasasayang ang mga inaning butil nito,” dagdag ni Dir. Datukan.

Namimintina rin ang kalidad ng mga butil dahil gumagamit ito ng auto-unloading system na diretsong nilalagay sa sako ang mga naaani.

Sinabi naman ni Asec Delima na hindi lamang pag-aani ang kayang gawin ng rice combine harvester kundi ito na rin ang gumagawa ng panggigiik (threshing) ng mga naani nitong palay.

Umaabot naman sa 2, 700 na kilo o katumbas ay limampu’t apat na sako ng palay ang kapasidad ng grain tank nito.

Batay sa mga reaksiyon ng mga nakasaksi ng demonstrasyon, hangang-hanga ang mga ito dahil sa bilis at husay nito sa pag-aani ng palay dahil hindi na aabutin ng buong araw upang matapos ang isang ektarya ng palayan.

Nang kanilang inspeksyunin ang naani nitong butil ng palay, ipinahayag ng mga nakakita na mas malinis ang mga naani ng rice combine harvester kung ikukumpara sa mga tradisyunal na pamamaraan ng pag-aani ng palay gaya ng paggapas.

Ang rice combine rice thresher ay ginagamit lamang sa mga piling lugar sa Rehiyon !12 na kung saan kulang ang mga ito sa mga magsasakang gagapas sa kanilang palayan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply