Bagong pulis vs kotong cops

MALAMANG pumipihit sa libingan niya si yumaong Secretary Jesse Robredo dahil sa mga misteryong lumulutang sa kanyang iniwang gabinete, ang Department of the Interior and Local Government.

Nitong mga nakaraang araw, nakumpirma ang balitang nilusob nga ni DILG Usec. Rico Puno ang bahay at opisina ni Robredo para hakutin ang mga umano ay “sensitibong dokumento” roon.

Mismong si Atty. Leni Robredo ang nagsabi na ginawa nga ito ni Puno at kinailangan pa niyang humingi ng tulong kay Justice Secretary Leila De Lima para bantayan ang bahay nila sa Metro Manila.

Inamin din ito ni De Lima, pero dahil mabait na tuta, sinabi niyang wala raw siyang alam tungkol sa sensitibong dokumento.

‘Di nagtagal lumutang na rin ang balitang bigla ang pagpapatupad ni Rico Puno ng halos isang bilyong pisong kontrata sa PNP para bumili ng baril sa isang kaibigan nito.

Ang mga baril, 59,904 na pirasong Glock ay mula sa Trust Trade at partner nitong Glock Asia Pacific Ltd. mula sa Hong Kong.

Bagama’t mura ang isang baril sa presyong P16,600, mas mahal pa rin ito sa presyo ng Espinelle group.

Naganap ang pag-apruba sa araw mismo na ideklarang Secretary si Mar Roxas ang maging secretary ng DILG.

Hindi ba courtesy mula sa mga Undersecretary na hintayin ang desisyon ng bagong Secretary bago gumawa ng anomang hakbang?

Bakit kaya itong si Rico Puno ay napakatapang sa mga ganitong desisyon? Walang takot, ke kay Robredo at ngayon kay Roxas.

Nagmamadali kaya siya dahil mayroon talagang puwedeng ibala laban sa kanya?

Ano ang laman ng sinasabing imbestigasyon ni Robredo sa PNP at halos lahat ng mga opisyal ng PNP na kabit kay Rico Puno sa Crame ay pumipihit ang puwet pag nababanggit ito?

Mukhang malalim, matindi, at nakatatakot sa mga kinauukulan ang huling kilos ng kamay nang butihing Kalihim na Robredo.

At kapag hindi hinarap ng pamunuan ni Aquino ang isyung ito ng tama, ito tiyak ang magiging multo ng kanyang “tuwid na daan.”

React at ira_p@hot-mail.com

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply