Bagong puwesto para kay Puno tinutulan ng mga obispo

NAGPAHAYAG ng mariing pagtutol ang mga Catholic bishops na mabigyan ng bagong puwesto sa gobyerno si dating Interior Undersecretary Rico Puno.

Reaksiyon ito ng mga obispo sa ulat na matapos na magbitiw ni Puno sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ililipat naman ni Pangulong Benigno Aquino III sa Department of Agriculture (DA), ngunit pinabulaanan na ito ng Malakanyang.

Sa halip na bigyan ng bagong puwesto, dapat na maimbestigahan si Puno dahil sa mga gulong kinasangkutan nito upang mapatunayan ng Pangulo na sinsero siya sa paglaban sa katiwalian, kahit pa ang sangkot dito ay kanyang mga kaalyado at kaibigan, ayon sa mga obispo.

“PNoy should no longer give him another post,” ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, sa website Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

“I agree with Senator (Miriam) Santiago that he must still be investigated by the Senate for many alleged acts of corruption and shady deals and lack of transparency,” pahayag pa ni Bastes.

Sinabi naman ni Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez na tutol siya na muling i-appoint sa bagong government post si Puno dahil sa umano’y ‘incompetence’ nito.

Nagbabala naman si Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na kung bibigyan ni PNoy ng bagong puwesto sa pamahalaan si Puno ay pinatunayan lamang ng Pangulo na totoong nag-e-exist ang ‘KKK’ inner circle nito o ang ‘kakampi, kaklase, kabarilan.’

“His competence and management skills have been all along disproven. If he will be given another assignment that’s another affirmation of the KKK,” ani Cruz.

“I don’t know what position they will give him but wherever they assign him he will not be that welcome precisely because it’s some kind of a second choice,” dagdag pa ni Cruz.

Matatandaang nitong Martes, nagbitiw na sa kanyang pwesto si Puno upang bigyan ng kalayaan si newly-appointed DILG secretary Mar Roxas na makapamili ng mga taong nais nitong makatuwang sa pagbibigay-serbisyo sa publiko.

Ang pagbibitiw ni Puno ay isinagawa tatlong araw bago ang Senate investigation na ikinasa ni Senador Miriam Santiago laban sa kanya sa Biyernes.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply