Bala ng kalibre .45, nagkalat sa EDSA

NAGKALAT sa kahabaan ng EDSA ang may dalawang kahon ng bala ng kalibre .45 nang mahulog sa motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki kaninang  umaga sa Makati City.

Bagama’t sa mismong sa harapan ng punong gusali ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nagkalat ang mga bala, tiniyak naman ng Makati city police na wala itong kahulugan at posibleng nagkataon lamang na sa naturang lugar aksidenteng nalaglag ang kahon ng bala.

Lumikha naman ng pansamantalang pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko ang insidente matapos pansamantalang pahintuin ng mga traffic enforcers ang mga sasakyang patungo sa gawi ng Cubao upang pulutin ang nagkalat na bala.

Nabigo namang mahagip ng nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa naturang lugar ang pangyayari kaya’t hindi natukoy ng pulisya ang numero ng plaka ng motorsiklo ng lalaking may bitbit ng nahulog na mga bala.

May hinala ang pulisya na ilegal at walang kaukulang transport permit ang pagbibitbit ng bala ng naka-motorsiklong lalaki kaya’t hindi na ito huminto pa upang pulutin ang mga nalaglag na bala.

Kasalukuyang nasa kostudiya na ng Makati police ang mga nalaglag na bala habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon kaugnay sa naturang insidente.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply