Batangas PNP inutil

BULAG, pipi at bingi o kaya’y  nag-iinutilan ba o talagang inutil ang pamunuan ni Batangas police office  Director  Senior Superintendent Rosauro Acio?

Ito ang katanungan na umuukilkil sa isipan ng mga Batangueño na nagrereklamo sa bumabalik na operasyon ng iligal na sugalan sa lalawigan.

Sa sumbong na ipinaabot sa Chokepoint, sinabi nilang unti-unti na umanong bumabalik ang iligal na pasugalan sa maraming bayan at lungsod.

Pero ang nakapagtataka, tila walang alam si S/Supt. Acio at kanyang mga opisyal, partikular ang mga police chief sa nagbabalik na bisyo.

Ang iba’t ibang uri ng sugalan tulad ng jueteng, video karera, color games at maging ang paihi o buriki operation ay nag-open na sa Batangas.

Ngunit ang binabanggit na sugal na bumalik na sa halos lahat ng siyudad at bayan ng Batangas ay ang STL o Loterya ng Bayan boo-kies operation.

At kung noon ay mga macho ang nagpapatakbo ng bookies, ngayon ay dalawang babae na tinatawag nilang Dos Marias (Minda at Nene).

Sa ngayon, sina Minda at Nene ang pinakamalaking operators ng STL bookies o lotteng at ang sentro ng operasyon ay sa Bauan at San Pascual. Sa Sitio Pansol, Barangay 5, Poblacion, Bauan, katabi lamang ng Bauan Cahedral ang kuta o rebisahan ng mga taya sa STL bookies ni Minda.

Samantalang si Nene ay hawak naman daw ang bayan ng San Pascual kung saan dito rin nirerebisa o niluluto ang mga pataya sa lotteng.

Bukod sa Bauan at San Pascual, sina Minda at Nene ay may mga kubrador sa mga kanugnog na bayan at lungsod ng Batangas, ayon sa sumbong.

Baka nga ‘di alam ni Col. Acio ang operasyon nina  Minda at Nene, aba’y tanungin niya sina C/Insp. Rommel Agbunag at Supt. Fred Dangani.

Pero, imposible na ‘di alam ni colonel ang mga nangyayari sa kanyang nasasakupan, maliban na lang kung siya’y niloloko ng kanyang mga hepe.

Sa nangyayaring ganito sa Batangas, ‘di lang kapulisan ang dapat sisihin at kabuwisitan ng mamamayan, kundi sina Gov. Vilma Santos at mga alkalde rin.

Ilang buwan na lang election na, ang mga punong bayan na sumasalungat sa tuwid na daan ni Pangulong Noynoy Aquino ay huwag nang suportahan.

Diyan sa Bauan at San Pascual matindi raw ang lotteng. Eh, mga residente ng mga bayan na ito, huwag n’yo nang iboto ang inyong mga alkalde.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply