Bigo si PNoy sa Ombudsman

TILA bigo ang Pangulong Noynoy  Aquino sa ninanais nitong  mabago ang masamang kalakaran diyan sa Office of the Ombudsman. Dangan kasi, sa nakikita at naoobserbahan ni Mang Juan, walang ipinagbago ang ahensiya sa ilalim ng pa-mamahala ni dating Justice Conchita Carpio – Morales.

Si Morales ang pinili ng Pangulo sa paniniwalang marereporma ang ahensiya, pero, tila ‘di nagtatrabaho ang kapalit ni dating Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Napakabagal ang resolusyon ng mga kaso, kaya naiinip ang mga nagsampa ng kaso at nakasuhan sa resulta ng Ombudsman investi-gation. Ang nagsampa at ang sinampahan ng kaso ay ‘di pinapayagan na makakuha ng ‘update’ sa  imbestigasyon na isinagawa ng Ombudsman.

Kaya nga dapat siguro ay maisabatas ang Freedom of Infor-mation (FOI) bill sa Kongreso upang magkaroon ang bawat isa ng laya na silipin ang anomang  development sa kinasuhang taga-gobyerno o pulitiko. Pero ‘di ba dapat, kahit ‘di pa naisasabatas itong FOI bill, puwedeng masilip ang mga kasong naisampa lalo riyan sa Ombudsman dahil iyan  ay pampubliko nang dokumento.

Masakit ang nangyayari riyan sa Ombudsman dahil usad-pagong na nga, hirap ka pang mag-follow up o magtanong-tanong ukol sa isang graft and corruption case.  Hirap kaya dahil sa may nangyayari ring “red tape” sa Ombudsman?

Maging ang ilang government agency na nag-iimbentaryo ukol sa mga tauhan nilang may kaso sa Ombudsman ay pinahihirapan ding makakuha ng development. Halimbawa, paano mangyayari ang nais ng pamunuan ng PNP na iimbentaryo ang kaso ng mga tauhan nilang sinampahan ng kaso kung ang kukupad ng nasa Ombudsman at tila walang interes na makipagtulungan?

Paano matutupad ang gusto ni Pangulong Aquino na “tuwid na landas” sa gobyerno kung ‘di nagkakaroon ng resolusyon ang mga kasong katiwalian laban sa mga kawani ng pamahalaan?

May info pa tayo na sa pag-nanais ni Customs Commissioner Ruffy Biazon na mag-imbentaryo rin kung sino-sino ang mga opisyal at kawani ng BOC na nahaharap sa mga kaso, humiling siya sa Ombudsman na bigyan sila ng listahan o development pero hanggang ngayon ay walang tugon ang tanggapan ni Morales.

Maraming tauhan pala diyan sa BOC na nahaharap sa kaso sa Ombudsman pero patuloy na nakapuwesto. Ang gusto ni Biazon e, pagsisibakin na ang mga ito dahil anay lang sa bureau at sagabal sa nais ng Pangulo na ituwid ang Aduwana.

Bukod dito, may mga reklamo rin laban kay DENR Sec. Paje na nakasalang sa Ombudsman pero hanggang ngayon ay tinutulugan ito.

Sa halos isang taon sa puwesto, ‘di nabago, bagkus lumala pa yata ang kalokohan diyan sa Ombudsman sa ilalim ng pamamahala ni Ombudsman Morales.

Bigo si PNoy sa kasalukuyang liderato ng Ombudsman, yan ang katotohanan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply