Bishop Cruz dadalo sa Senate inquiry vs Puno

NANINDIGAN si retired Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na kung talagang nanaisin lamang ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ay kayang-kaya nitong patigilin ang pamamayagpag ng illegal na jueteng sa bansa.
Ang pahayag ni Cruz ay kasunod nang gagawin niyang pagdalo bukas sa panibagong Senate inquiry hinggil sa jueteng at umano’y mga katiwaliang kinasasangkutan nang nagbitiw na Interior and Local Government Undersecretary na si Rico Puno.

“I will just put up some principle that if jueteng will not stop in the country notwithstanding all the beautiful laws and decrees, it’s not because of the legislative but of the executive department,” ayon pa kay Cruz, na siyang founder ng Krusadang Bayan Laban sa Jueteng.

Ipinaliwanag pa ni Cruz na ang executive department ang may katungkulan na magpatupad ng batas, na ginagawa ng legislative department, at kahit gaano kaepektibo ang mga batas, kung tinutulugan lamang ito ng ehekutibo ay walang mangyayari dito.

Iginiit rin ni Cruz na nakasentro lamang ang lahat sa political will ng administrasyong Aquino na masugpo ang jueteng.

Una nang nagpahayag nang panlalamig si Cruz na dumalo sa panibagong pagdinig sa jueteng sa senado dahil nagawa na, aniya, niya ang kaniyang bahagi hinggil dito.

Gayunman, nagbago ang pasya ng Arsobispo matapos na makatanggap ng pormal na imbitasyon mula sa Senado nitong Martes.

Nilinaw naman ni Cruz na wala siyang mga bagong expose dahil lahat ng impormasyong nalalaman niya hinggil sa jueteng ay naibunyag na niya sa mga nakalipas na imbestigasyon.

“They are not asking for data. I was asked to do something else specifically on jueteng. What is it all about, etc. I think I might be able to contribute something,” ayon pa kay Cruz.

Matatandaang si Cruz ang nagbigay ng listahan ng mga pulitiko at indibidwal na umano’y sangkot sa jueteng at tumatanggap ng milyong monthly payola sa nakalipas na senate inquiry sa jueteng noong taong 2010.

Kabilang ang pangalan ni Puno sa mga government officials na tumatanggap ng milyong jueteng payola, ngunit mariin naman niya itong pinabulaanan.

Iginiit naman ni Cruz na simula pa nang mapatalsik sa puwesto si dating Pangulong Joseph Estrada dahil sa jueteng, na siya ring dumungis sa administrasong Arroyo, ay nananatili pa rin ang pamamayagpag ng jueteng sa bansa.

“The picture hasn’t changed… It is still the same as far as jueteng is concerned,” ani Cruz.

Nanindigan pa si Cruz na namamayagpag ang jueteng dahil protektado ito ng mga corrupt na government at police official na nakikinabang dito.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply