Budget sa reforestation nasaan at sakit sa baha

PATUNGO tayo, mga Bro, sa bahaing bansa.

Gaya ng nararanasan natin, sa konting ulan, binabaha kaagad ang maraming lugar.

Kung bumuhos naman ang ulan sa isa, dalawa o tatlong oras o isa, dalawa o tatlong araw, nakupo, kasunod na nito ang mga deklarasyon ng “walang pasok” sa eskuwelahan, opisina at iba pa.

Nandiyan na rin ang katakot-takot na trapik, landslide at marami pang masasamang pangyayari sa mga lansangan, kabahayan at iba pa.

Nandiyan na rin ang mga deklarasyon ng “state of calamity.”

Palibhasa, tiyak ang malalalim na baha sa napakaraming lugar.

Lalo na sa mga bayan at lungsod na halos mga kalsada, kabahayan, pabrika, condominium, mall at city hall na lamang ang nakikita at wala nang punongkahoy.

Hindi umuubra ang mga drainage na taon-taong kinakalkal at nireretoke ng mga politiko para lang pagkakitaan at hindi para malabanan ang mga baha.

Hehehe!

KALBONG MGA BUROL AT BUNDOK

Kahapon, binanggit natin ang halos kalbo nang mga burol at bundok sa ating bansa. Sa rekord nga ng gobyerno, nasa 1/4 na lang ang may gubat sa 36 milyong ektaryang kabuuang kalupaan ng mahal kong Pinas.

Kitang-kita ang ebidensya kung magbiyahe tayo sa mga pangunahing lansangan ng bansa.

Lalo na sa tag-araw, kulay lupa, bato at adobe na lang ang nakikita natin sa mga burol at bundok.

Kapag umulan, mabilis na bumaba ang mga tubig na may kasamang mga putik patungo sa mga ilog at lahat ng mga mamababang lugar.

Wala na kasi ang mga puno na sumisipsip muna sa mga tubig ulan bago bumaba ang mga ito sa kapatagan na binabaha nang katakot-takot.

Baha na yan sa mga kapatagan hanggang sa mga karagatan.

REFORESTATION NASAAN

Ang pagkakaalam natin, mga Bro, may mga programa naman ang pamahalaan at non-government organizations para sa pagtatanim ng maraming puno sa kapaligiran.

Ngunit wala tayong nakikitang seryosong pagtatanim ng puno bilang “forest cover” ng mga kabundukan, burol at iba pang lugar na pupuwedeng tamnan ng puno nang maramihan.

Yun bang === katulad halimbawa ng pagtatanim ng mga tubo, bulak, saging at iba pa na dinaraan sa plan-tasyon ang pagtatanim.

May balakin din na makipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga bansang may matagumpay na reforestation program.

Ngunit sa ating pagkakaalam, hanggang ngayon ay hanggang doon lamang.

Umiiwas yata ang gobyerno sa malaking gastos sa pagtatanim at pagmamantine sa mga punongkahoy kung may maitatanim na.

Ang gusto pa yata ay gastusan ang mga dayuhan ang ganitong programa at    ipauubaya sa mga ito ang lahat, maging ang pag-aani ng mga troso at iba pang pakinabang sa mga punongkahoy.

MGA LOGGER OBLIGAHIN

Hindi tayo nakatitiyak na tigil na talaga ang logging sa mahal kong Pinas.

Dahil nababalitaan natin na may mga nag-ooperate pa rin hanggang sa ngayon na mga logger.

Kung may pinapayagang logger, dapat na obligahin ang mga ito na magtanim ng mga puno sa mga lugar na doon sila nagtutumba ng mga punongkahoy.

Ang mga tumigil na logger at matagal nang huminto sa pagkalbo ng ating mga kagubatan ay maaaring mahirap nang habulin pa.

Siguro, ang magagawa ay habulin ang mga taong gobyerno na nagpabaya sa tungkulin nilang obligahin ang mga logger na magtanim.

Marami ang nagkapera sa suhol ng mga logger para gawing pakitang tao lang ang pagtatanim.

At hanggang sa mga nursery lang ng Department of Environment and Natural resources ang proyekto rito.

PONDOHAN ANG REFORESTATION

Isang tanong natin sa pamahalaan: mayroon bang pondo para sa reforestation sa taong 2013?

Kung wala, nangangahulugan na wala sa listahan ng pamahalaan ang maramihang pagtatanim ng puno bilang prayoridad. At dahil dito, mananatili tayong pahihirapan ng mga baha.

At kung wala pa ring pondo sa 2014 at sa mga susunod na taon, talaga namang pinababayaan na lang ang kapaligiran na masira.

At hindi baleng masira rin ang buong bansa dahil sa baha?

Malaking kapabayaan yan, mga Bro, ng mga nanunungkulan. Pabaya sila sa pagpoprotekta sa ating henerasyon at sa susunod pang henerasyon.

Mananatiling kapahamakan ang haharapin ng milyon-milyong mamamayan tuwing may ulan at baha na magaganap kahit saang lugar sa bansa.

LEPTOSPIROSIS

Mabuti kung baha lang, mga Bro, ang problema natin tuwing may pag-uulan at pagbabaha.

Gumagrabe na rin ang sakit na leptospirosis na pumapatay sa atin.

Leptospirosis ang sakit na galing sa ihi ng mga daga at iba pang hayop at nakukuha natin ito sa ating paglusong sa mga baha.

LEPTOSPIROSIS SA MGA POLITIKO

Maganda kung ang mga politiko at korap ang dapuan ng sakit na leptospirosis bilang karma sa kawalan nila ng aksyon para sa reforestation at baha.

At mga logger na rin at ang mga korap sa DENR.

Pero hindi nagkakasakit ang mga ito dahil hindi lumulusong ang mga ito sa baha.

Ang mamamamayan ang nagkakasakit, namamatay at naghihirap dahil sa baha ng sanhi
ng mga kalbo nating kagubatan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply