Bumagsak na slabs sa NAIA 1, nagdulot ng tensyon

NAGULANTANG kaninang umaga ang mga miyembro ng Airport Police Department-Intelligence and Investigation Division (APD-IID) makaraang magkasunod na bumagsak mula sa gilid ng gusali ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 departure area ang dalawang tipak na slab sa bubong ng kanilang opisina.

Nagpanakbuhan palayo sa pinangyarihan ang mga taong nakaupo sa “waiting area” sa labas ng gusali ng departure terminal 1 sanhi sa kalabog ng pagbagsak ng sementong slab na may sukat na isang metro ang haba at  apat na pulgada ang kapal.

Hindi pa malaman ang sukat ng ikalawang slab na bumagsak sa naturang bubong ng IID.

Nakaramdam naman ng takot ang ilang kawani ng janitorial services na naghihintay ng kanilang oras sa pagpasok na nakisama sa pagtakbo.

Ang “waiting area” sa labas ng gusali ng terminal 1 ay bahagi ng proyekto ng Manila International Airport Authority para mabigyan ng kaginhawahan ang mga naghahatid na kamag-anak ng overseas Filipino workers.

Ayon sa IID, nagmi-meeting ang mga tauhan ng APD sa pamumuno ni Airport Assistant General Manager for emergency service Salvador Penaflor nang makarining sila ng kalabog sa kanilang bubungan. Nang tingnan nila ito tumambad ang slab na bumaon sa bubong na halos ikinabutas nito dahil sa lakas ng pagkakabagsak.

Ayon sa ilang saksi, nakaupo sila sa “waiting area” nang magulantang sila sa malakas na kalabog sa bubong.

“Kinabahan kami dahil ilang dipa lang ang pagitan ng slab na bumagsak sa bubong. Kung sa tapat namin bumagsak, sinamang palad na sana kami,” anang kamag-anak ng isang paalis na OFW na ayaw magpakilala.

“Akala namin nilindol kami dahil sa lakas ng pagbagsak at yung pangalawang bagsak, akala mo bomba sa lakas,” ayon sa isang kawani na tiyempong nasa loob ng gusali ng APD-IID.

Ang gusali ng NAIA terminal 1 ay nabuo noong 1983 at dahil sa kalumaa’y nagdesisyon ang Manila International Airport Authority, operator ng NAIA terminal 1, 2, 3, at 4, na maglaan ng P1.16 bilyon para sa pagpapaayos ng lumang gusali.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply