Carabuena tinuluyan; kotongero tuluyan din

KAMAKALAWA inihayag ng Land Transportation Office na habambuhay nang inalisan ng driver’s license si Robert Blair Carabuena.

Si Carabuena ang motorista na nanakit at nambastos umano kay MMDA traffic enforcer Saturnino Fabros.

Ayon sa LTO, hindi nagpakita si Carabuena sa pagdinig ng kanyang kaso ukol sa pagtatanggal sa kanyang lisensya.

At sinabi ng LTO na isa lamang na pribilehiyo ang pagkakaroon ng lisensya na pupuwedeng bawiin anomang oras ng nagbigay, ang pamahalaan.

Ngunit may mga batayan ng pagbawi na nasabing pribilehiyo gaya ng ginawa nga umano ni Carabuena kay Fabros.

CARABUENA SA AWTORIDAD

Nakapagtataka lang, mga Bro, na hindi nasisilip ng mga awtoridad ang sangkatutak nilang kasama at tauhan na puro kabalbalan ang pinaggagawa.

Bigyan natin ng sampol, mga Bro, ang mga awtoridad na puno ng kalokohan sa lansangan.

Sa nasa 2,000 parak na nakademanda, marami sa mga ito ang sangkot sa pangongotong, karnaping, hulidap, phonesex at iba pang mga krimen sa lansangan.

MAY LISENSYA

Karaniwang dina-drive ng mga ito ang mga sasakyan ng gobyerno o kanilang mga pribadong sasakyan.

Dahil nagda-drive sila, may lisensya sila.

Tanong: sa pagkakatagpo sa kanila na may sala, kasama ba sa mga parusa ang pagbawi ng gobyerno sa kanilang mga driver’s license?

Wala pa akong narinig na pulis patola na tinanggalan g lisensya.

Kung ano lang ang demanda laban sa kanila, hanggang doon lamang kahit na ginagamit nila ang kanilang mga lisensya sa paggawa ng krimen gaya ng pagda-drive ng mga sasakyan na gamit nila rito.

MAS MASAHOL KAY CARABUENA

Sabi ng mga taga-LTO, matindi ang ginawa ni Carabuena kay Fabros.

Binastos na ni Carabuena si Farbros, sinaktan pa niya ito.

Bukod dito ang hindi paggalang ni Carabuena kay Fabros bilang alagad ng batas kaya nga andiyan ang kasong parang “direct assault” sa katulad ni Fabros.

Pero hindi ba mas masahol ang ginagawa ng mga sangkot sa kotongan, sa karnaping, sa hulidap, sa phonesex at iba pa?

Dahil ginagamit ng mga kriminal o salarin dito ang kapangyarihan ng pamahalaan sa kanilang kabalbalan.

ISAMA KAY CARABUENA

Dapat isama kay Carabuena ang mga parak, traffic enforcer, taga-LTO, taga-LTFRB at taga-DOTC at iba pang taga-gobyerno na korap at abusado sa lansangan.

Ito’y para maging patas o pantay-pantay ang trato ng pamahalaan sa mga tauhan nito at sa mga mamamayan.

Kung hindi gagawin ito ng mga awtoridad, pangit ito sa mata ng sambayanan.

Hindi magandang isipin ng mamamayan na kung may nalabag silang batas o patakaran sa lansangan, aalisan sila ng lisensya samantalang libre at patuloy na nagkakaroon ng lisensya ang mga abusado at kriminal na mga taong pamahalaan.

MGA KASO KALKALIN

Mungkahi natin na kalkalin at pag-aralan ng pamahalaan ang mga nakademanda na pulis.

Sino-sino sa kanila ang mga gumamit ng sasakyan sa kanilang pangongotong, panghuhulidap, pangagarnap at iba pa?

Sino sa kanila ang mga natatagpuang sangkot sa droga na ibinibiyahe sa kung saan-saan?

Sino-sino sa kanila ang mga may kasong salvaging at iba pang masasalimuot na krimen na ginamitan ng mga sasakyan?

TAGA-MMDA, LTO AT IBA PA

Hindi lang ang mga parak ang may kalokohan sa lansangan.

Marami ring kasamahan ni Fabros ang may kalokohan.

Sangkatutak din ang reklamo sa mga traffic enforcer hindi lang sa Metro Manila kundi sa mga munisipyo at lalawigan sa labas nito.

Naglipana rin ang mga nangongotong na tauhan ng DOTC, LTO at LTFRB.

Kabilang sa mga anyo ng pangongotong ang “kawalan ng patawad” kahit sa napakaliliit na bagay na kailangan lang ng “reminder” gaya ng ginagawa sa central office ng LTO kung magpapa-evaluate ka ng sasakyan.

Bawat diperensya, may katumbas na traffic violation at ginagawa ito dahil sa gusto nilang kumita sa komisyon sa kinsenas at katapusan.

Kung wala kang violation, hahanapan ka at ito ang karaniwang karanasan ng mga tsuper sa mga pampublikong sasakyan.

Sa pagrerehistro at pag-aaplay nga lang ng prangkisa, kitang-kita kung paano mangotong ang mga nasa LTFRB.

ALISAN DIN SILA NG LISENSYA

Sa kabuuan, bagama’t nauulit sa puntong ito, ang pag-aalis o pagbawi ng driver’ license ay dapat isagawa sa lahat ng mga tao at opisyal ng pamahalaan na may mga krimen at pang-aabuso sa lansangan.

Doble kara sa parte ng pamahalaan ang pagpaparusa lamang sa isang sibilyang gaya ni Carabuena.

At sa lahat ng mga pagdinig na isasagawa, dapat na kasimbilis ang aksyon ng pamahalaan sa kaso ni Ca-rabuena.

Kung halimbawang minadali ang pagpaparusa kay Carabuena para hindi siya tularan ng iba, dapat ganito rin ang gawin sa mga taong pamahalaan na nagkakasala sa mga lansangan.

KAKAUNTI ANG MATIRA

Ang inaalala ko lang, mga Bro, baka kokonti na lang ang matira sa mga taong pamahalaan sa mga nabanggit na nating opisina ng gobyerno kung tatanggalan ng lisensya ang mga kriminal at abusado sa kanila.

Ano sa palagay ninyo?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply