Comelec, handang-handa na sa COCs filing sa Lunes

TINIYAK ng Commission on Elections (Comelec) na handang-handa na sila para sa nakatakdang pagsisimula bukas, Oktubre 1, ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga aspiring candidates para sa 2013 midterm elections.

Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na Biyernes pa lamang ay ‘full-blast’ na sila sa paghahanda para sa COC filing.

Nakapag-set up na rin maging ang mga media organization ng mga kagamitan para sa live coverage ng paghahain ng COC ng mga kakandidato sa halalan sa susunod na taon.

Naglaan din ang Comelec ng lugar para makapag-interview ang mga miyembro ng media upang matiyak na magiging maayos ang COC filing.

Nabatid na tanging ang mga kandidato lamang at immediate families ng mga ito ang papayagang makapasok sa tanggapan ng Comelec habang ang kanilang mga supporters ay mananatili sa labas.

Muli ring nanindigan ang Comelec na hindi na nila palalawigin pa ang filing period, na magtatagal lamang ng limang araw o mula Oktubre 1 hanggang 5, ganap na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Ipinaliwanag ni Jimenez na kailangan nilang maging istrikto sa kanilang schedule upang masigurong may sapat na oras para resolbahin ang mga disqualification cases na isasampa sa mga kandidato, bago ang pag-iimprenta ng balota sa Enero, 2013.

“With the greater time between the start of printing and the end of filing mas marami tayong panahon para matapos ang mga petition for disqualification and motion to deny due course,” ani Jimenez.

Walang midnight extension

Taliwas sa nakagawian, hindi ie-extend ng Comelec ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) hanggang sa hatinggabi ng huling araw ng paghahain ng kandidatura para sa May 2013 elections.

Matatandaang nakaugalian na, na ang paghahain ng COC ay inaabot ng hanggang hatinggabi sa huling araw nito.

Ang huling araw ng filing ng COC para sa 2013 midterm polls ay nakatakda sa Oktubre 5.

“The filing of COCs will only be from 8:00 a.m. to 5:00 p.m., NO LONGER until 12 midnight as in previous elections,” ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., sa kaniyang Twitter account.

Nilinaw rin ni Brillantes na nakasaad sa Comelec Resolution No. 9518 ang lugar kung saan dapat na maghain ng COC ang mga aspiring candidates.

Iginiit ni Brillantes na anumang COC na hindi naihain sa tamang tanggapan ay hindi tatanggapin.

Umapela pa si Brillantes sa mga kandidato na huwag nang gawing bongga o haluan ng fanfare ang paghahain nila ng kandidatura upang maging ‘dignified’ ito.

“I also appeal to candidates to dispense with all the fanfare, let us make the filing of COCs this coming Oct. 1to 5 as dignified as it should be,” aniya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply