Criminal justice system vs krimen

HINDI na magkandaugaga ang kapulisan sa (Police Regional Office-Autonomous Region in Muslim Mindanao-PRO ARMM) dahil sa halos araw-araw na mga kaganapan na kinasasangkutan ng mga grupong gun-for-hire na bumibiktima sa mga residente ng rehiyon, dagdag pa ang alitan sa pagitan ng mga angkan or pamilya ng tinatawag na “rido” na kumikitil ng buhay sa maraming bilang.

Sa Marawi City, noong Biyernes ng gabi, tinambangan ang isang nagngangalang Samad Macabalang ng isang gunman na nakasakay sa motorsiklo habang ang biktima ay nasa pampublikong lugar na bilihan ng mga inihaw na manok.

Dalawang tama ng .45 cal ang tumama sa kanyang ulo at mukha na naging sanhi ng kanyang dagliang kamatayan.

Sa Cotabato City nitong Linggo, isa rin ang naging biktima ng karahasan makaraang barilin nang malapitan ang isang nakilala lang sa pangalang “Tuwit” habang nakatayo malapit sa isang kilalang botika sa lungsod.

Halos hindi na nga mabilang ng mga awtoridad ang mga karahasan na nangyayari lalo na’t ang iba ay hindi naman opisyal na naidudulog sa kanila dahil sa nakagawiang istilo na “mata sa mata, ngipin sa ngipin” ng mga residente ng rehiyon na alam ng lahat na halos bawat isa yata ay may isang armas o dalawa na pag-aari bilang proteksyon laban sa karahasan.

Kung susuriing mabuti, ang mga pangyayaring ito ay palatandaan ng mababang antas ng siguridad sa mga komunidad na maihahalintulad sa sinasabing “wild, wild west!” noong mga unang panahon sa Amerika na kung saan ang mga isyu ay tinatapos sa pamamagitan ng palitan ng buga ng baril sa magkalabang partido.

Hindi masinop ang pagtalakay sa criminal justice system na sinasabi ng mga eksperto na susing kawing sa pagbibigay ng naangkop na kalutasan sa mga problema hinggil sa ganitong mga kaganapan sa rehiyon.

Bagamat ang pamahalaan ay nagsikap na bumuo ng criminal justice system na kinabibilangan ng mga tagapagpatupad (law enforcement), tagapag-usig (prosecution), korte (criminal courts), bilangguan (penal system) at aktibong komunidad (community), sa bansa, ang mga nagaganap sa rehiyon ay isang malaking hamon para ito ay magkaroon ng katuparan bilang mabisang sandata laban sa iba’t ibang krimen na nagaganap sa ARMM.

Kulang ang sangkap na nakikita sa limang haligi ng criminal justice system para maibsan ang kalituhan at kawalan ng pag-asa ng maraming residente dito kaya ay ang iba ay minamabuting isakamay ang batas na dapat sana ay naipapatupad ng walang kiling para magkaroon ng totoong katarungan at mawala ang rido sa rehiyon na tinaguriang “wild, wild west ng Pilipinas!”

Hindi madama ng todo ng maraming taga-ARMM ang reporma dahil sa ganitong sistema na umiiral sa kasalukyan.

Pero sana ay magkaroon nito sa lalong madaling panahon?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply