Dakilang ehemplo ng bayanihan sa karagatan

SARIWA pa ang pagluluksa ng ating mga kababayan sa pagkawala ni Secretary Robredo ng DILG at ang kasama niyang mga piloto kamakailan sa Masbate. Sa mga ganitong pagkakataon, ipinakikita ng sambayanang Filipino na kaya pala talaga nilang maglunsad ng Bayanihan sa kahit anomang pagkakataon. At malungkot mang isiping naganap ang ating Bayanihan sa isang malagim na trahedya pa.

Sa puntong ito, masarap namang isipin na ang inyong Hukbong Dagat ay naging bahagi ng ganitong dakilang kaganapan. Walang hanggan ang aking panalangin na sana’y ‘di na maulit ang ganitong pangyayari. Subalit malaki rin ang aking panalangin na nawa’y magpatuloy naman ang alaala at diwa ng Bayanihang binuo at iniwan sa atin ng mahal nating Kalihim.

Hindi talaga matatawaran ang partisipasyon ng iba’t ibang sektor at ahensya para sa mga nasawi. At marami ring nagsasabi na si ganito at si ganoon ang dapat na pasalamatan at siyang bida sa pagkakatagpo ng labi ng mga nasawi. Subalit, ayon na rin sa mga kasapi ng Hukbong Dagat na naging bahagi ng search and rescue at ng retrieval operations, ang bunga ng lahat ng mga operasyon ay dulot ng Bayanihan. Ang kanilang pagkakaisa at pakikiisa sa iisang layunin ang dapat na tanawin bilang tunay na dahilan sa kung anoman ang naging resulta ng naganap na mga operasyon.

Sana’y magpatuloy ang diwa ng Bayanihan hindi lang sa pagtatapos ng search and rescue at retrieval operations kundi maging sa pang-araw-araw nating mga gawain. Kaya’t, mga kapatid ko, makaaasa kayo ng patuloy at higit pang pinaigting na suporta ng Hukbong Dagat para sa karapatang pantao. Kaakibat n’yo kami sa pagsulong ng layuning ito. Kaya natin yan Pinoy!

-ooo-

Isang malugod na pagbati kay Commodore Alexander Lopez ng Fleet Marine Ready Force na namuno sa Naval Task Group (NTG) – Masbate (mga pwersa ng Navy na bumuo ng Task Force Kalihim) at kay Navy Captain Rommel Jason Galang ng Naval Forces Southern Luzon para sa kanilang propesyunal at dedikadong pangangasiwa sa search and rescue at retrieval operations ng Navy.

-ooo-

Dapat nating isipin ngayon na ang teamwork ay para na ring Bayanihan na ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat, at ang tungkulin ng isa ay hindi magagampanan kung wala ang tungkulin ng katabi niya. Subalit malaki pa rin ang pagkakaiba ng teamwork sa Bayanihan dahil tumatagal lamang ito sa harap ng isang gawain samantalang ang Bayanihan ay nananatili sa puso at diwa ng bawat kasapi matapos man ang isang gawain.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply