Dapat pag-isipan ng Tsina

WALANG silbi halos sa kawalan ng mga barkong dumarating para magbaba ng kargamento sa pamamagitan nito ang Subic Bay International Container Port (SBICP) na ipinangutang pa ng bilyon-bilyong piso ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para lamang maitayo.

Isa ang container port na ito sa dahilan kung bakit dumudugo ng daan-daang milyong piso sa pagkalugi ang SBMA na mula’t sapul ay hindi bababa sa P4 bilyong piso na kung susumahin.

Ito Ang Totoo: sa pagdating ng mga barko at iba pang sasakyang pandagat ng mga Amerikano nitong nakaraang linggo, nabubuhay ang negosyo sa bangkaroteng SBMA, at least sa dalawang magkasunod na linggo.

Katunayan, maging ang mga negosyo sa Olongapo, Zam-bales, Bataan, Metro-Manila at kahit sa Baguio, partikular ang vegetable planters at suppliers, dahil sa pangangailangan ng mga barko, at dito, may pakinabang din ang SBMA.

Sa Alava Wharf o pier ng Subic Freeport nakadaong ang “submarine tender” USS Frank Cable, katabi ang submarinong USS Hawaii, hindi sa SBICP dahil di naman cargo ship ang mga ito.

Ang “submarine tender” tulad ng USS Frank Cable ay siyang buhay ng mga submarino sa karagatan dahil ito ang may dala ng lahat ng pangangailangan nito para hindi na kailangang bumalik pa sa porto at patuloy na magampanan ang trabaho o misyon nito.

Bukod sa negosyo para sa mga Filipino, may mas malaking mensahe ang presensiya ng “submarine tender” sa bahaging ito ng West Philippine Sea kung saan inaagawan ng bansang Tsina ang Pilipinas ng teritoryo, tulad ng Panatag Shoals, Spratlys at iba pa.

Ito Ang Totoo: hindi lamang isang submarino ang inaalagaan ng barkong submarine tender kaya ibig sabihin, bukod sa USS Hawaii, may mga submarino pa ang Estados Unidos na nasa paligid lang, sa iba’t ibang sulok at bahagi ng West Philippine Sea.

Kaya kahit walang direktang deklarasyon ang Amerika na tutulong sakaling sumiklab ang banatan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, maaaring basahin ng mga mananakop ang posibilidad ng ayudang militar ng Amerika sa Pilipinas, lalo pa’t sa Subic, sa Pilipinas dumadaong ang mga barkong pandigma nito.

Malaking bagay ito sa paggiit ng soberenya at pagtatanggol ng bansa at pwedeng ipagdalawang-isip ng mananakop na Tsina, bagay na puwede nating mga Pinoy na ikatuwa. Ito Ang Totoo!

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng text ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply