Del Rosario vs Trillanes at sina Tata Gus Villanueva

Ano ang interes ni DFA Sec. Albert del Rosario?

Matapos tumulong ni Sen. Antonio Trillanes sa DFA na mabigyan ng solusyon ang usapin sa Scarborough Shoal.

Mas minarapat pa ni DFA Sec. Albert Del Rosario na tuligsain ito.

Sino ba ang dahilan kung bakit nakapasok muli ang mga export na saging ng Pilipinas na nais sanang i-ban ng China? Ikaw ba Sec. Del Rosario?

Sino ba ang dahilan kung bakit napaatras ang 12 barko na nakabalagbag sa Scarborough shoal? Ikaw rin ba Sec. Del Rosario?

Sa imbestigasyon na isinagawa ng ULTIMATUM malinaw na mismong si Sen. Trillanes ang nakipag-usap sa China para ipaglaban ang kapakanan ng sambayanan sa isang mapayapang paraan.

Pero base sa bulong ng aming uzi ikaw ang mayabang na nagpapayo sa Pangulo na makipaggitgitan sa China para patunayang mas matapang ang Pinoy kaysa Tsino.

Tama bang payo ‘yun? Alam mo ba ang sinasabi mo?

Ano ba ang interes mo, Sec. Del Rosario, at nais mong alugin ang isang isyu na buhay ng sambayanang Filipino ang nalalagay sa alanganin.

May kinalaman ba ito sa alingasngas na isang MVP ang nagmamanipula sa isyu?

Abangan ang susunod na ibubunyag ng ULTIMATUM!

SPO4 DELA PEÑA

Mabuti pa itong si SPO4 Jose dela Peña at nakauniporme lagi sa kanyang pagdu-duty.

Right or wrong, suot-suot ni Dela Peña ang kanyang uniporme at nagmamaneho pa ng markadong patrol car.

Pero hindi natin pinupuri itong si Dela Peña sa kanyang ginawang kabalbalan na sanhi ngayon ng mga kaso na kanyang kinahaharap. Hayaan natin ang Napolcom at ang hukuman na magkaroon ng mga pagpapasya sa kanyang mga nagawa.

INCOGNITO NA MGA PULIS

Hindi katulad ni Dela Peña ang mga nang-aresto kina Journal Group Editor in Chief Gus Villanueva at dalawang editor nito.

Hindi nakauniporme ang mga ito at nagpanggap na ordinaryong mamamayan na magpapa-publish ng isang balita.

Pagkakita kina Tata Gus, agad silang inaresto kaugnay ng kasong libelo. At ang trato sa kanila ay kasinghigpit ng pagtrato sa isang notorious criminal o terorista.

Magaan lamang ang kasong libel, mga Bro, at piyansabol, ‘ika nga. Sakaling ma-convict ang isang mediaman, ilang taon lang ang parusa riyan, bukod lang kung sapin-sapin ang mga kasong doon siya mako-convict o mapatutunayang nagkasala.

Pero anoman ang kahihinatnan ng kaso, hindi takot ang mediaman, lalo na ang katulad ni Tata Gus, na makulong. Sasama pa ang mediaman sa pulis para magpakulong.

KOTONG COPS DIN PALA

Pero hindi lang gumamit ang mga pulis ng tunay nilang pagkatao sa pang-aaresto kina Tata Gus.

Kotong cops din pala ang mga gagong ito. Umabot sa mahigit P39,000 ang binayarang piyansa ng mediamen. Napakakapal ang mukha ng mga pulis sa pagsasabing buuin na lang nina Tata Gus ang halaga sa P40,000 para wala nang sukli.

Ganyan katindi ang mga pulis ni Makati Police Chief S/Supt. Jimmy Santos.

TRATO SA TERORISTA

Habilin pa raw ni Santos na bantayan nang husto sina Tata Gus baka sila tumakas.

Naku, senior citizen na si Tata Gus at isang beterano at kinikilalang mediaman. Hindi tatakas ‘yan sa kasong libelo lamang. Pero ano at sino ang nasa likod ng pagtrato kina Tata Gus ng ganyang kahigpit?

Totoo na may mga kasong kriminal na gustong tumakas, pero ibahin nila ang mediamen at sina Tata Gus.

HINDI UMAATRAS O TUMATAKBO

Bibihira ang mediamen na tumatakbo o umaatras sa laban sa libel at sa kahit anong uri ng tungkulin ang iatang mo sa kanila.

Tingnan ninyo, mga Bro, minamasaker at pinapatay na nga, tumatayo at nakikipaglaban pa rin sila.

Nasa mediamen ang espiritu ng paggampan ng tungkulin na hindi masusukat at maigugupo ng sibat at bala.

BULOK NA STYLE S APAG-ARESTO

Dala-dala pa ng mga tadong pulis ang bulok na style sa pagpapahirap sa kanilang mga inaaresto. Hapon ng Biyernes inaresto sina Tata Gus sa kalkulasyon na mahihirapan silang makapagpiyansa. At aabutin sila ng tatlong araw at tatlong gabi sa kulungan.

Ginagawa ito talaga ng mga pulis na gustong mamerhuwisyo.

Ito ang panahon na walang kakayanan ang ordinaryong akusado sa krimen na mangalap ng pampiyansa.

Ito ang panahon na nagsasara na ang mga hukuman na roon maglalagak ng piyansa ang mga inaaresto.

Ito ang panahon na walang huwes para dinggin ang anomang pagkuwestiyon sa warrant
of arrest.

Muli, sino-sino at ano ang nasa likod ng pag-aresto kina Tata Gus? May malinaw na nag-aakusa sa kaso. Pero tila nagpapadala ang mga pulis sa utos ng kanilang mga amo at iba pang mga may interes sa kaso.

HARASSMENT

Sa pag-aresto kina Tata Gus sa alanganing araw at oras, lumilitaw na harassment ang pangyayari.

Gusto lang i-paralyze sina Gus sa kanilang trabaho na 24/7 bilang mediamen.

Gusto lang nilang i-paralyze ang diyaryong kanilang binubuo at ipina-publish.

Harassment hindi lang kina Tata Gus bilang tao ang naganap kundi harassment din sa kanilang dyaryo.

Anong meron ang pagbabalita nina Tata Gus at ang kanilang dyaryo at gusto silang paralisahin ng mga nasa likod ng kasong libelo at pang-aaresto sa alanganing araw at sa kuwestiyu-nableng paraan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply