Demolisyon

IPINALABAS sa balita sa TV ang nangyaring demolisyon sa Guatemala Street, Barangay San Isidro, Makati City.

Mistulang “urban warfare” ang dating ng salpukan ng mga residente ng Guatemala at ng pulis, bumbero at demolition team sa kabilang panig.

Kitang-kita na pinaghandaan ng ilan sa mga residente ang demolisyon.  Gumawa sila ng barikada, nagtimpla ng Molotov bomb at nagkumpuni ng mga gamit na makakapanugat.

Sa kabilang panig naman ay pinaghandaan din sila ng mga demolition team. May nakaumang na mga firetruck at payloader at mga crowd dispersal unit na may dalang tear gas.

Matapos ang walang ibinungang negosasyon sa pagitan ng dalawang panig ay nauwi na ang marahas na demolisyon at mapangahas na depensa mula naman sa mga biktima ng demolisyon.

Malawak na rin ang naging karanasan ko sa mga usaping demolisyon.

Bago ako naging konsehal ng tatlong term ay marami akong naging kliyente na mga urban poor neighborhood association sa mga kasong ejectment at demolition.

Naranasan ko na ring ma-teargas at maging bahagi ng hanay ng mga biktima ng demolisyon.

Ngunit bilang abogado, sandata ko pa rin ang batas para magkaroon ng lunas ang mainit na sitwasyon at hindi mauwi sa madugonmg salpukan ang dalawang panig.

Sa ganitong usapin, ang unang dapat tingnan ay kung may ligal bang basehan ang demolisyon.

Kung walang ligal na basehan, iligal ang demolisyon.

Kailangan ay dumaan sa wastong proseso at may Court Order ng demolition.

May ibang “style” naman na ginagamit ang probisyon sa Building Code na mga “illegal structure” ang mga bahay sa squatters area kaya’t dapat i-demolish.

In other words, “shino-shortcut” nila na sa halip na magdemanda ng ejectment sa husgado ay idedemanda ng “illegal structures” sa building official at hihingin na summarily i-demolish ang mga istraktura. Mas madali ito dahil sigurado na walang mga building permit ang mga bahay ng mga squatter.

Matindi ang oposisyon ko rito dahil sa pananaw ko ay hindi tamang basehan ang Building Code para mawalan ng pamamahay ang mga squatter.

Dapat ay sa husgado ang laban upang mabigyan ng tamang proseso ang magkabilang panig.

Sa aktwal naman ng pagde-demolish ay may mga alituntunin din na dapat sundin ng demolition team.

“Maximum Tolerance” sa mga tao. Dapat din natin intindihin ang damdamin ng mga made-demolish.

Maski sabihin natin na wala silang karapatan na magsquat sa lupa ng may lupa, dapat pa rin natin intindihin na wala silang kaagad na matitirhan.

Gayunpaman ay labag din sa batas na maghagis ng molotov bomb, mambato at kung ano-ano pang kaharasan ang mga residente. Dapat may disiplina sa kanilang hanay. Mahalaga ang epektibong negotiation team upang hindi mauwi sa marahas na labanan.

Suriing mabuti ang court order ng demolisyon. Sino ang nagpapatupad? May motion for reconsideration ba laban sa order?

Nasa ayos ba ang demolition team? Binigyan ba ng palugit ang mga tao? May offer ba na relocation at financial assistance?

Nakalulungkot ang nangyari sa Guatemala. At sa iba pang nagdaan na marahas na demolisyon.

Hindi madali ang solusyon sa problema ng paninirahan. Sana’y maagapan na ito upang maiwasan ang mga karahasan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply