Demolition team sa Taguig, pinagbabato

UMULAN ng bato sa loob ng McKinley Hills sa Fort Bonifacio makaraang pagbabatuhin ng daan-daang residente ng isang squatter’s area ang demolition team na sumugod sa kanilang lugar upang gibain ang kanilang mga tahanan kahapon sa Taguig City.

Pinaulanan agad ng bato ng mga nagbarikadang residente na nakatira sa sinakop nilang bahagi ng 10.3 ektaryang lupain sa Lawton Street, Consular Area Gate 2 sa McKinley Hills, ang demolition team.

Agad namang naawat ang mga ito nang pumagitna na ang nakasuportang tauhan ng Southern Police District (SPD) kung saan dalawa katao ang inaresto ngunit pinalaya rin naman agad.

Tinatayang nasa 100 kabahayan ang giniba ng demolition team sa naturang lugar na ipinadala ng Philippine Bases Converion and Development at mga pribadong umaangkin ng pagmamay-ari.

Gumamit ang demolition team ng dalawang backhoe, at isang bulldozer sa paggiba sa mga bahay na yari sa light materials.

Isinisigaw naman ng mga residente na iligal umano ang demolisyon dahil wala namang ipinalalabas na court order at notice of demolition ang anumang korte sa kanilang lugar.

Samantala sa Makati City, sinabi ni City Administrator Marjorie De Veyra na pansamantalang sinuspinde muna nila ang planong demolisyon sa squatter’s area sa Guatemala Street, Brgy. Isidro sa kabila na kumpleto na sila ng kautusan ng korte para isagawa ang paggiba sa mga barung-barong.

Patuloy muna umano silang makikipag-usap sa mga residente para tanggapin ang alok nilang relokasyon sa Laguna o pagtanggap ng cash assistance upang kusang umalis na ng lugar na hindi nila pag-aari.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply