Desisyon ni Loren igagalang ng NPC at LP

IGAGALANG ng Liberal Party at Nationalist People’s Coalition (NPC) ang anumang magiging desisyon nina Senador Loren Legarda at Cagayan Rep. Jack Enrile.

Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng unang pakikipagkasundo nina Legarda at Enrile sa United Nationalist Alliance (UNA) nina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong Joseph Estrada.

Nilinaw ni House Majority Floorleader Neptali Gonzales II na irerespeto ng LP anuman ang maging desisyon ng dalawa.

Subalit mahalaga aniyang maging malinaw kung saang partido malilinya ang mga ito upang mapagpasiyahan na kung sino ang mga ilalapit sa binubuong senatorial slate ng LP.

Maging si NPC Spokesman at Valenzuela Rep. Rex Gatchalian ay nagpaliwanag na anuman ang desisyon nina Legarda at Enrile ay personal na desisyon at hindi ito diniktahan ng partido.

Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang mga konsultasyon sa iba pang partido na kasapi ng UNA.

Naunang napabalita na namamangka sa dalawang ilog si Legarda kung kaya hanggang ngayon ay wala pang linaw kung sa LP o UNA ito lilinya.

Si Legarda, miembro ng NPC, at nangunguna sa mga surveys sa mga kandidato sa pagka-senador ay hindi pa rin naglalabas ng alinmang kumpirmasyon sa lilinyahan nitong partido.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply