‘Di na kailangan pa ang hearing sa jueteng

MUKHANG nakakuha ng kakampi si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III sa katauhan ni Sen. Ping Lacson sa plano niyang magsagawa ng isang pagdinig hinggil sa lawak ng operasyon ng jueteng at kung sino-sino ang mga operator at protector nito.

Sa isang panayam ay diretsahang sinabi ni Ping na ginagamit ng mga jueteng financier ang small town lottery (STL) na pinatatakbo ng PCSO sa kanilang iligal na operasyon.

Ito ay sa pamamagitan ng paggamit sa mga kubrador ng STL para sila rin naman ang mangolekta ng taya para sa jueteng.

Mahusay talaga ang mga jueteng operator, isipin mo iyon?

Iyong ligal nagagawa nilang iligal at iyong iligal nagagawa nilang ligal!

Ang iniisip ko lamang, kung alam na alam na ng maraming tao at maging ni Sen. Lacson ang modus operandi ng mga jueteng operator, eh, bakit kailangan pa ang isa namang pagdinig?

Sa totoo lang, hindi na kailangan pang magpatawag ni Koko ng isa pang Senate hearing para malaman lang kung gaano kalawak ang operasyon ng jueteng.

Tumambay lang siya at makipagkaibigan sa mga kabo at kolektor tapos ay tumaya siya siguradong malalaman na niya ang mga dapat malaman sa jueteng.

Saan ba siya galing at pa-rang ‘di naman niya alam na napakatagal ng panahon ang problema sa jueteng?

Ilang Pangulo na ang nag-daan at ilang pagdinig na ang ginawa pareho sa Kamara at Senado tungkol sa iligal na sugal na ito pero pawang wala namang nangyari.

Ang masakit pa nito, wala namang nasampahan ng ka-so at naparusahan kahit isa man lang sa mga pinaghihinalaan at mga kumpirmadong nagpapatakbo at nagbibigay ng proteksyon sa iligal na sugal na ito .

Natatandaan ko pa nga na dumalo na rin sa isang pagdinig ang sinasabing pinaka-astig at pinakamalalaking mga financier sa  hearing sa Senate pero wala ring nangyari.

Pagkatapos ng headlines sa mga diyario ay kusa na ring nalimutan ulit ang isyu.

Sabagay, malapit na nga pala ang eleksyon at puwede niyang magamit ang pagdinig para nga naman may libre siyang exposure at maging mas madali ang kampanya niya para sa muling mahalal sa Senado.

Iyon ay kung nagpapapogi lang siya at hindi naman siya talaga interesado na masolusyonan ang problema ng jueteng.

Sabagay iyon naman talaga ang laging nangyayari, sino ba namang matinong opisyal ng pamahalaan at pulisya ang papayag na mawala ang jueteng?

Ang laki kaya ng kinikita nila sa iligal na sugal na iyan!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply