‘Di rin ligtas ang paaralan

BILANG isang magulang at gaya rin naman ng ibang magulang ay naniniwala ako na maliban sa aming tahanan, ang ikalawang pinakaligtas na lugar na puwede kong pag-iwanan ng aking mga anak ay ang kanilang paaralan.

Pero paano naman kung sa mismong loob pala ng paaralan ay nakararanas ng pang-aapi ang isang bata at walang magawa ang mga namamahala sa eskuwelahan?

Ang masakit dito wala na ngang nagawa ang mga namamahala sa paaralan, wala pa ring ginagawa ang mga pulis at ibang awtoridad para pangalagaan ang katahimikan ng paaralan!

Ang tinutukoy ko ay ang sunod-sunod na kaguluhan na nangyayari sa ilang paaralan sa Makati City gaya halimbawa ng General Pio del Pilar High School na isang pampublikong paaralan at sa upscale na Colegio de San Agustin sa loob naman ng eksklusibong Dasmariñas Village.

Sa mga hindi nakababatid, ang Pio del Pilar ay katabing-katabi mismo ng Makati City Hall kung kaya at iisipin ng mga magulang ng mga mag-aaral dito na isa itong ligtas na lugar.

Pero sa totoo lang, sa kabila ng pagiging katabi lang ito ng city hall ay halos araw-araw at gabi-gabi ang mga nagaganap na rambulan at away sa pagitan ng mga estudyante at fraternity roon.

Sa pinakahuling pangyayari ay halos mamatay na ang isang kawawang estudyante matapos siyang pagtulungang gulpihin ng grupo ng mga istambay na teenager malapit mismo sa paaralan.

Pero sa kabila ng paulit-ulit na pangyayaring ganito ay tila wala namang ginagawang anomang hakbang ang pamunuan ng paaralan at maging ang kapulisan.

Ang nangyari naman sa Colegio de San Agustin ay nakapagtataka rin dahil walang sinoman ang mag-aakala na hindi ligtas ang paaralang iyon.

Nasa sa isang lugar ng mayayaman ang paaralan at pawang may kaya rin ang mga nag-aaral at namamahala rito.

Pero lumalabas na laganap ang bullying at sakitan ng mga estudyante roon at sa isang pangyayari ay sumugod pa at nanutok ng baril sa isang bata roon ang tatay ng isang estudyante na una nang nang-bully ng kapwa niya.

Lumalabas  na ang batang tinutukan ng baril ay naobligang lumaban dahil madalas siyang i-bully ng kanyang schoolmate hanggang sa matalo niya sa sapakan ang bully.

Ang masakit nito, nang matalo ng biktima sa sapakan ang bully ay nagsumbong ito sa tatay niya na mabilis na sumugod sa school at binatukan bago pa tinutukan ng baril ang kawawang estudyante.

Ang pangyayari ay naganap sa harap ng mga school guard at guro pero wala silang nagawa sa war freak na tatay.

Sa mga pangyayaring ito ay hindi mahirap isipin na mukhang may problema na nga sa peace and order ang bansa natin.

Maaari ring isipin na tila wala nang ginagawa ang ating mga awtoridad para bigyan ng proteksyon ang ating pamayanan lalo at higit ang ating mga paaralan kung saan dapat ay ligtas ang lahat ng mga mag-aaral.

Kaya nga nanawagan tayo kay Mayor Jun-jun Binay riyan sa Makati at sa iba pang mga namumuno sa ating mga lungsod na pakibigyan naman ng pansin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa kanilang mga nasasakupang lugar.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply