DOH: Kaso ng leptospirosis sa bansa tumaas ng 106%

INIULAT ng Department of Health (DOH) na tumaas ng mahigit 100 porsiyento ang mga naitalang kaso ng sakit na leptospirosis sa bansa ngayong taon bunsod na rin ng mga naranasang pagbaha sa ilang lugar sa bansa.

Sa ipinalabas na latest Disease Surveillance Report ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH, nakapagtala ng 3,410 leptospirosis cases simula Enero 1 hanggang Agosto 25 lamang ng taong 2012.

Nabatid na mas mataas ito ng 106.54% kumpara sa 1,651 kaso na naitala sa kahalintulad na petsa noong 2011.

Maging ang bilang ng mga namatay sa sakit ay tumaas din ngayong taon na umabot ng 149, kumpara sa dating 142 deaths noong nakalipas na taon.

Ayon sa DOH-NEC, ang paglobo ng kaso ng leptospirosis ay bunsod nang naganap na flash floods sa Cagayan de Oro at monsoon rain floods na nakaapekto sa malaking bahagi ng Luzon.

Pinakamarami umanong kaso ng sakit na naitala sa National Capital Region (NCR) na umabot ng 27.51% o 938 kaso, sumunod ang Region X na may 27.13% o 925 kaso at Region VI na may 13.9% o 474 kaso.

Pinakamarami namang naitalang namatay sa sakit sa Region VI na umabot sa 37, sumunod ang NCR na may 31 at pangatlo ang Regions 1, 2 at 4-A na may tig-12 leptospirosis deaths.

Sa NCR, pinakamaraming tinamaan ng leptospirosis sa Maynila na umabot sa 236 kaso, sumunod ang Quezon City na may 158 kaso, at pangatlo ang Malabon na may 116 kaso.

Sa Quezon City naitala ang pinakamalaking bilang ng mga nasawi na umabot sa 11, sumunod ang Maynila, Makati, at Paranaque, na nakapagtala ng tig-4 na leptospirosis deaths.

Kabilang sa mga nabiktima ay wala pang dalawang buwang gulang hanggang 93 taong gulang.

Karamihan o 80.9% ay mga lalaki at 27.8% ay kabilang sa 21-30 years age group.

Nilinaw naman ng DOH na mababa pa rin ang case fatality rate ng sakit ngunit dumami ito sa advancing age at maaaring umabot ng 20% o higit pa sa mga pasyenteng may jaundice at kidney damage (Weil’s disease) na hindi sumasailalim sa renal dialysis.

Kaugnay nito, patuloy naman ang paalala ng DOH sa mga taong naninirahan sa mga lugar na hanggang ngayon ay lubog sa baha na iwasan na paglusong sa baha upang makaiwas sa leptospirosis na nakukuha mula sa ihi ng daga.

Kung hindi naman maiiwasan ang paglusong sa tubig-baha ay makabubuting magsuot ng protective gears tulad ng bota.

Iginiit pa ng DOH na ang leptospirosis ay hindi lamang sa baha nakukuha kundi maging sa putik na kontaminado ng ihi ng daga o ‘di kaya’y sa mga pagkain na naihian ng daga.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply