DOH sa publiko: Mag-ingat sa ‘chikungunya’

PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat laban sa ‘chikungunya’ na tulad ng dengue ay nakukuha rin mula sa kagat ng lamok.

Ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC) ng DOH, madalas na maipagkamali ang sakit na chikungunya sa dengue dahil bukod sa nakukuha sila sa kagat ng lamok ay pareho rin ng sintomas ang dalawang sakit, tulad ng lagnat at pagkakaroon ng rashes sa katawan.

Sinabi pa ni Tayag na kung mas apektado ng dengue ang mga paslit, higit namang apektado ng chikungunya ang mga matatanda na makikitaan ng acute ngunit long-term na arthritis sa kanilang mga joints o kasukasuan.

Ayon kay Tayag, bagamat hindi kasing deadly ng dengue ang chikungunya ay hindi ito dapat ipagwalambahala at kailangan pa rin itong bigyan ng agarang atensyon.

“‘Pag may fever and rash dengue muna (ang isipin) kasi nakamamatay ang dengue. Hindi pwedeng balewalain yan at ‘di pwedeng sabihing chikungunya lang ‘yan kasi mas marami ‘di hamak ang dengue lalo na may pag-ulan pa rin,” paliwanag pa nito.

Wala ring lunas sa sakit na chikungunya at ang pokus lamang nang paggamot dito ay ang lunasan ang mga sintomas tulad nang pananakit ng kasukasuan.

Wala rin umanong vaccine o bakuna na available upang hindi tamaan ng sakit.

Nabatid na noong 90s pa natuklasan ang sakit na chikungunya sa Pilipinas ngunit ayon kay Tayag, napansin nila ang pagdami ng mga kaso nito, sa nakalipas na dalawang taon.

Kabilang sa mga lugar na apektado ng chikungunya ay ang Metro Manila, Laguna, Pangasinan, at ilang bahagi ng Mindanao.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply