DOJ nagpalabas ng HDO vs ex-kahera ng Rizal

NAGPALABAS ang Department of Justice ng isang hold departure order, laban sa wanted na dating kahera sa lalawigan ng Rizal, na naglustay ng pondo ng lokal na pamahalaan na aabot sa halos anim na milyong piso.

Kinilala ang napatalsik at wanted na kahera na si Nancy Celerian, na dating kahera ng Rizal Provincial Hospital-Angono Annex.

Nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo dahil sa misconduct at paglustay ng pondo ng gobyerno si Celerian, na mahigit Php 800,000 koleksyon at pagkawala ng mahigit Php 5 milyon bilang cash advances.

Si Celerian ay isa sa apat ng mga kahera at kolektor ng nasabing ospital na tinanggal sa serbisyo at nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman at korte dahil sa paglustay ng pondo, pamemeke ng dokumento at panloloko.

Ayon sa rekord ng akusado, hindi na nagpakita si Celerian mula pa noong Nobyembre 2011 at napag-alamang pilit na gumagawa ng paraan upang makalabas ng bansa patungo sa hindi pa alam na destinasyon upang takasan ang prosekusyon.

Sa paglabas ng hold departure order, nakasama na si Celerian sa watch list ng Bureau of Immigration and Deportation (BID) at umaasa ang pamahalaang panlalawigan na ang akusado ay madadala sa korte upang harapin ang kanyang mga kaso sa lalong madaling panahon.

Sa tatlong iba pang akusado, naibalik na ng dating kaherong si Willardo Paralejas ang buong halagang mahigit Php 230,000, samantalang, ang isa pang kaherang si Virginia Payumo ay nasa labas ng bansa at nananatiling nakalalaya kahit may warrant of arrest nang naisyu ang korte.

Samantala, ang isa pang akusado na kolektor na si Christine Reyes ay nakiusap na Php 50,000 muna ang ibabalik at ang natitira ay huhulugan na lamang, subali’t ito ay tinanggihan.

Nagbigay naman ng babala si Rizal Gob. Jun Ynares na hindi palalampasin ang anumang ilegal na gawain ng sinumang opisyal o kawani ng pamahalaang panlalawigan at kapag napatunayan ay mananagot sa batas.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply