DOLE-NCR pinasalamatan ni Recom

NAGPASALAMAT si Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa Department of Labor and Employment-National Capital Region dahil sa pakikipagtulungan nito sa lokal na pamahalaan na naging dahilan upang magtagumpay ang programang Labor Education for Graduating Students.

Dahil dito, umabot sa 23,247 college graduating students ang nakinabang sa LEGS na layuning maturuan ang mga magtatapos sa kolehiyo kung paano makakuha ng maayos na mapapasukang trabaho.

Katuwang din ni Echiverri sa proyektong ito si Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri na siyang nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang kolehiyo na matatagpuan sa lungsod.

Sa isinumiteng rekord ng Labor and Industrial Relations Office sa tanggapan ni Mayor Echiverri, ang naturang bilang ng graduating college students ay nagmula noong 2008 hanggang sa kasalukuyan.

Base pa sa rekord, noong 2008 ay umabot sa 1,209 graduating college students ang nakinabang sa LEGS; 14,300 naman noong 2009; 1,889 noong 2010; 2,341 noong 2011 at 3,508 sa kasalukuyang taon.

Kabilang sa itinuturo sa LEGS ang mga paraan kung paano haharap sa interview, tamang pagsasalita, pananamit, pagsagot at iba pa na siyang makatutulong sa college graduating students na matanggap sa papasukang trabaho.

Bukod sa mga ito, nakapagbigay na rin ang lokal na pamahalaan ng Career Coaching Seminar sa 42,143 high school students na layunin namang mabigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral sa pagkuha ng tamang kurso sa kolehiyo.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply