‘E-cigarette’ di na papayagan sa LRT, MRT

HINDI na papayagan ang mga pasahero na gumamit ng mga electronic cigarette o electronic yosi sa loob ng LRT at MRT.

Ayon kay LRTA Spokesman Atty. Hernando Cabrera, bagama’t ligtas naman ito sa kalusugan ay puwede pa rin itong lumikha ng away sa pagitan ng ilang pasahero.

Malaki kasi umano ang tyansang mairita ang maraming pasahero sa nagbubuga ng usok mula sa e-cigarette at posibleng maging dahilan ng away na nararanasan na ngayon dahil sa regular na balyahan pagpasok at paglabas ng tren.

Kaugnay naman nito, nagpalabas ang Department of Health (DOH) Regional Office 3 ng babala sa publiko, lalo na sa mga naninigarilyo na nais nang iwasan ang naturang bisyo, hinggil sa paggamit ng e-cigarette o electronic cigarette.

Sinabi ni DoH Regional Office 3 Director Rio Magpantay na ang paggamit ng e-cigarette ay hindi makabubuti sa kalusugan ng isang tao.

“E-cigarette, it does not help people quit smoking and it is not safe for human consumption,” pahayag ni Magpantay.

Ayon sa mga nagbebenta ng e-cigarette, ang bagong gadget na patok sa mga smoker na gusto nang iwanan ang bisyo dahil ito ay kinokonsiderang “nicotine-free” at naglalaman umano ng e-juice na itinuturing na organic.

Ipinaliwanag ni Magpantay na bagamat hindi ito nagbubuga ng usok at may kahalintulad na amoy ng tunay na sigarilyo, ang inilalabas na vapor ng e-cigarette ay naglalaman ng toxic chemicals na maaaring magdulot na cancer sa tao.

Tinutunaw ng e-cigarette ang isang liquid nicotine solution mula sa isang disposable cartridge, na naglilikha ng vapor na hinihithit ng smoker, ayon kay Magpantay.

Ang e-cigar ay sinisindihan sa dulo nito, at kapag hinithit, may kumikinang na maliit na ilaw sa dulo nito kaya’t nagmumukha itong tunay na sigarilyo.

Una nang nanawagan ang mga tabacco control advocate na ipagbawal ang pagbebenta ng e-cigarette dahil ito ay maaari ring maghikayat sa kabataan na subukan ang tunay na sigarilyo matapos matikman ang ganitong uri ng produkto.

Ang electronic cigarette ay kasalukuyang nagkalat sa mga tindahan sa Quiapo at Divisoria sa Manila at ibang malaking shopping mall sa Metro Manila.

Ang presyo nito ay nasa pagitan ng P350 hanggang P750 bawat isa. Ang refill ng liquid solution ay P15 at ito ay nakapagbibigay ng vapor sa hanggang 200 hithit.

 

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply