Empleyado ng Pasay namatay sa kapabayaan ng PCGH

PATAY dahil sa pagkakabagok ang isang mataas na opisyal ng Pasay City Health office matapos mabigong mabigyan ito ng karampatang lunas sa isang ospital na pag-aari ng lungsod.

Si Restituto Cruz, dating OIC ng DSWD noong panahon ni dating Mayor Pewee Trinidad at kasalukuyang assistant chief ng Pasay City Health Office ay namatay ilang araw matapos itong ma-comatose dahil sa pagdurugo ng kaniyang utak.

Napag-alaman na dinukutan si Cruz ng isang isnatser sa may EDSA noong nakaraang Biyernes. Hinabol diumano nito ang suspek at nakarating sila sa isang flyover kung saan lumundag ang isnatser.

Minabuti ring tumalon ni Cruz ngunit sa kasamaang palad ay nabagok ang ulo nito. Ayon sa mga nakasaksi, nakayanan pa raw tumayo ni Cruz at mag-isang nagtungo sa Pasay City General Hospital.

Doon, apat na oras raw na hindi naasikaso ang biktima na hindi rin nakilala ng mga hospital staff. Ni hindi nabigyan ng first aid si Cruz dahil na rin sa kakulangan ng mga gamit at gamot sa naturang ospital.

“Nakakawa ang sinapit ni sir. Walang pulis na sumaklolo at hindi naasikaso sa ospital. Kung nangyari ito sa isang mataas na opisyal ng siyudad paano na ang mga maliliit na mamamayan?” anang isang empleyado na ayaw magpakilala.

“Malinaw na kapabayaan ito ng kasalukuyang pamahalaang lungsod,” dagdag pa niya.

Ayon sa mga source, hindi raw nakakatanggap ng karampatang suporta ang Pasay City General mula sa opisina ni Pasay City Mayor Antonio Calixto. Wala umanong sapat na perang ipinopondo ang local government sa naturang pagamutan.

Karaniwang nangungutang muna ang mahihirap na mamamayan para lang maipambili ng gamot.

Napagalaman din na matapos mabigo si Cruz na mabigyan ng first aid ay pinilit nitong lumipat sa San Juan De Dios Hospital. Dahil sa walang perang dala matapos madukutan, nag-request ito na gumamit ng ambulansiya ng ospital ngunit malungkot na wala ito.

Mabagal din ang dating diumano ng Pasay Rescue team na nagdala kay Criz sa San Juan De Dios kung saan siya ay nawalan na ng malay at binawian ng buhay nitong Martes ng tanghali.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply