Enrile napikon kay Miriam sa ‘Brady notes’

MISTULANG napikon ngayon ni Senate President Juan Ponce Enrile sa patutsada ni Sen. Miriam Defensor-Santiago sa pagbubulgar nito sa “Brady notes” hinggil sa back channelling ni Sen. Antonio Trillanes IV sa China.

Ayon kay Enrile, dapat unawain muna ng kanyang mga kritiko kung ano ang nilalaman ng mga “notes” na binasa nito kung may security problem bago sila magkomento.

“Ano ba naman itong mga taong ito, pag-aralan muna nila yong dokumento kung mayroong security problem doon. I am reporting to the nation about the conduct of a senator selling the country to a foreign government,” diin pa ni Enrile.

Magugunitang kinuwestiyon ni Santiago kung bakit nagkaroon ng kopya si Enrile ng Brady notes at kanyang ibinulgar bilang buwelta sa atake ni Trillanes.

“Why did the Senate President obtain a copy of that report which was not meant for him? How did he manage to do that?” ayon kay Santiago.

Samantala, ipinaubaya na ni Enrile sa Senate Ethics Committee ang inihain na reklamo ni Atty. Oliver Lozano laban kay Trillanes.

Ayaw na ni Enrile na makialam sa asuntong inihaharap laban sa kairingang senador, pero nilinaw nitong walang maaaring kaso na treason laban kay Trillanes dahil walang umiiral na giyera kaya sa halip, maaari aniyang espionage case ang isampa laban sa senador.

Una nang inakusahan ni Enrile si Trillanes na mistulang isinusulong ang interes ng China sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Chinese military intelligence, bagay naman na pinabulaanan ng nakababatang senador.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply