Erap: Trillanes ‘walang utang na loob’

INAKUSAHAN ni dating Pres. Joseph Ejercito Estrada si Senator Antonio Trillanes IV na ‘sinungaling at walang utang na loob’.

Ani Erap, sinisira ni Trillanes ang pangalan ng iba para lamang sumikat.

Ani Erap, hindi papayagan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang mga pinaggagawa ni Trillanes dahil mas alam nito ang kanyang ginagawa.

Sinabi ito ni Erap matapos sabihin ni Trillanes na nakikipag-ugnayan si Enrile kay dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

Binara rin ni Estrada si Trillanes sa pagtawag na traydor kay Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario.

Aniya, nasisiraan na siguro ng ulo si Trillanes at ginagawa niya ito para lamang makakuha ng publisidad.

Hindi umano tamang para lamang mapansin ay wawasakin niya ang pangalan at reputasyon ng mga iginagalang na tao.

Sinabi rin niyang walang utang na loob si Trillanes dahil tinalikuran nito ang mga taong sumuporta sa kanya noong 2007 sa ilalim ng Genuine Opposition o GO.

Mula sa GO, binigyang diin ni Estrada na nagpalipat-lipat na ng partido si Trillanes – mula GO noong 2007 sa Nacionalista Party ni Senator Manny Villar noong 2010 at ngayon naman ay sa Liberal Party ni President Benigno Aquino III.

Idinagdag pa ni Erap na lumobo na ng husto ang ulo ni Trillanes at ang pinakamalaking pagkakamali ng mga sumuporta sa kanya ay ang pagsuporta sa kanya.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply