Ex-marine tumangay ng motorsiklo, arestado

KALABOSO ang isang dating sundalo nang arestuhin ng isang tauhan ng Philippine National Police (PNP) nang tangayin nito ang isang nakaparadang motorsiklo at maaksidente habang nagmamadaling tumakas kamakalawa ng hapon sa Taguig City.

Nabuko naman ng ilang mga saksi na itinakas lamang ni dating PFC Hybert Jones Bais, 26, dating miyembro ng Philippine Marines at residente ng Katipunan Village, Western Bicutan ang minamanehong motor nang nagmadaling tumakas at sumakay ng jeep kahit sugatan at dumudugo pa ang kaliwang kamay at tuhod nang sumalpok sa gilid ng lansangan sa Bayani Road dakong alas-4:20 ng hapon.

Tiyempo naman na napadaan sa naturang lugar si PO1 Ashley Gamulo, nakatalaga sa tanggapan ng Deputy District Director ng Southern Police District (SPD), kaya’t hinabol niya ang sinakyang pampasaherong jeep ng suspect nang magsumbong sa kanya ng isang street sweeper.

Naabutan ni Gamulo ang sinakyang jeepney ni Bais sa harapan ng Marines Headquarters malapit sa Gate 3 ng Fort Bonifacio at dito na niya dinakip ang suspect.

Positibo namang kinilala ni Angelo Vergara, 35 ng Blk 86 lot 16 Phase 5 AFPOVAL ang kanyang nawasak na motorisklo na may plakang 8247 TR na tinangay ng suspect habang nakaparada sa harapan ng kanyang tirahan.

Kasong paglabag sa RA 6539 o Anti Carnapping Act ang isinampa ng pulisya laban sa dating sundalo.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply